
2 Pinoy patay, 26 sugatan sa pagtaob ng bus mula Milan patungong Oktoberfest sa Germany
Photo: Karl-Josef Hildenbrand/dpa, Karl-Josef Hildenbrand
GERMANY — Dalawang katao ang patay habang 26 ang napaulat na nasugatan matapos tumaob ang isang tour bus na bumibiyahe mula Milan, Italy patungong Munich, Germany nitong Linggo ng umaga, Setyembre 27.
Ang lahat ng pasahero, maliban sa Italian drivers, ay mga Pinoy na patungo sana sa Munich para dumalo sa Oktoberfest, ayon sa mga ulat ng German media at pulisya.
Nangyari ang aksidente bago mag-alas-6 ng umaga sa A96 motorway, sa pagitan ng Buchloe-Ost at Landsberg am Lech-West, habang bumibiyahe ang bus patungong Munich.
Batay sa paunang imbestigasyon, lumihis ang bus sa kanang bahagi ng kalsada bago bumaba sa gilid ng highway at tumaob. Wala umanong ibang sasakyang sangkot sa insidente.
Ayon sa pinakahuling impormasyon mula sa German police na iniulat ng BR24, 33 pasahero ang sakay ng bus, bukod sa dalawang driver. Ang mga pasahero ay bahagi ng isang grupong Pilipino na nagmula sa Milan.
Isa sa mga Pinay na sakay ng bus, na kasama ang kanyang pamilya sa biyahe, ay nakapanayam matapos ang aksidente.
Gayunman, sinabi niyang hindi pa niya kayang magbigay ng ibang detalye dahil sa pagkabigla sa nangyari.
“Sa ngayon, sobrang shock pa ako. Hindi pa ako puwedeng magbigay ng info,” aniya sa isang maikling mensahe.
Hindi muna pinangalanan ang Pinay passenger bilang paggalang sa kanyang kalagayan at sa kanyang pamilya.
Dalawa ang nasawi habang walong katao ang malubhang nasugatan. Isa sa mga sugatan ang napaulat na nasa kritikal na kondisyon.
Anim na pasahero ang agad na dinala sa mga ospital sakay ng rescue helicopters habang dalawa naman ang isinugod sa pamamagitan ng ambulansya. Ilan pang pasahero ang ginamot sa isang temporary treatment area bago dinala sa mga ospital.
Sa ulat ng DW, kinilala ng German police ang isa sa dalawang nasawi bilang isang 58-anyos na Filipino citizen. Hindi pa inilalabas ang kumpletong pagkakakilanlan ng mga biktima.
Hindi naman nasugatan ang dalawang Italian bus drivers. Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang driver na nagmamaneho nang mangyari ang aksidente bilang bahagi ng standard procedure sa kasong negligent homicide.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung ano ang dahilan ng paglihis at pagtaob ng bus.
Nagtalaga na rin ang prosecutor's office ng accident reconstruction expert upang suriin ang insidente.
Daan-daang emergency personnel, kabilang ang mga pulis, bumbero at medical responders, ang rumesponde sa lugar.
Pansamantalang isinara ang bahagi ng A96 habang isinasagawa ang rescue operations, imbestigasyon at clearing operations.
Ang bus ay nagmula sa Milan at patungo sana sa Oktoberfest sa Munich nang mangyari ang aksidente.
Source: MilanoToday, German Police, BR24/dpa, DW

