Coach Wayne Elep

KILALANIN: Unang OFW sa GCC na Nakatapos ng 6 Abott World Marathon Majors

May 01, 20252 min read

Abu Dhabi, UAE — Isang makasaysayang tagumpay ang naitala ng isang Pilipinong Overseas Filipino Worker (OFW) sa Gitnang Silangan matapos niyang makumpleto ang prestihiyosong Abbott World Marathon Majors — ang anim sa pinakamalalaking marathon sa buong mundo.

Coach Wayne with his Medal

Coach Wayne Mark Elep, habang pinapakita ang kanyang Six Star Medal.

Si Wayne Mark Elep o mas kilala sa pangalang Coach Wayne / Ivatan Runner, na kasalukuyang nagtatrabaho sa Abu Dhabi, United Arab Emirates, ang kauna-unahang OFW sa Gulf Cooperation Council (GCC) region na nakapagtala ng record na ito. Matapos ang ilang taong dedikasyon, sakripisyo, at walang sawang pagsasanay, matagumpay niyang natapos ang mga marathons sa Tokyo, Boston, London, Berlin, Chicago, at New York.

Medals

Ang Abbott World Marathon Majors ay isang serye ng anim sa pinakamahihirap at pinakaprestihiyosong marathon events sa buong mundo. Tanging ilang Pilipino pa lamang ang nakatapos ng kumpletong serye — at si Wayne Mark Elep ang kauna-unahan Pilipino mula sa GCC na nakagawa nito.

Coach Wayne Marathon Journey

Photo L-R: Tokyo Marathon 2025, Boston Marathon 2024, Berlin & London Marathon 2019, Chicago Marathon 2018, and New York Marathon 2017.

Hindi lamang ito kwento ng tagumpay sa pagtakbo, kundi kwento rin ng muling pagbabagong-buhay. Ayon kay Coach Wayne, ang kanyang pangunahing motibasyon ay hindi ang medalya, kundi ang pagbabago ng kanyang pamumuhay.

Coach Wayne Lifestyle Change

Nagpasiya siyang sumali sa kanyang unang marathon noong 2017 bilang hakbang tungo sa mas malusog na katawan at mas mahabang buhay. Hindi naging madali ang simula, pero ang kanyang disiplina at determinasyon ay naging sandigan upang tuluy-tuloy siyang tumakbo — at kalaunan, makamit ang anim na pinakamalalaking marathon sa mundo.

PRG Abu Dhabi

Group photo: Pinoy Runners Global – Brgy. Abu Dhabi

Bukod sa pagiging isang marathon runner, aktibo rin si Coach Wayne sa pagbibigay-gabay sa kapwa nating mga kababayan sa Abu Dhabi — maging sila man ay nagnanais tumakbo sa kanilang unang marathon, isa nang bihasang runner, o simpleng tao na gustong baguhin ang kanilang lifestyle tungo sa mas malusog na pamumuhay.

Ang kanyang kwento ay patunay na ang bawat hakbang, gaano man kaliit, ay simula ng isang makabuluhang pagbabago — hindi lamang para sa sarili, kundi para sa buong komunidad.


Photo Source: Raffy Reyes, TFCN Abu Dhabi. UAE

Back to Blog

© The Filipino Correspondent Network 2025. All Rights Reserved.