
Mga Pinay, Bumida sa Pinakabagong NETFLIX Series Tungkol sa Buhay ng AU PAIR sa Europa
COPENHAGEN — Namayagpag ang talento ng mga Pilipina sa pinakabagong Danish drama-thriller series ng Netflix na “Reservatet” (international title: “Secrets We Keep”), isang series na hindi lamang kapana-panabik, kundi nagbibigay-linaw din sa masalimuot na katotohanan ng buhay ng mga au pair sa Europa.
Pinangungunahan ito ng mga Filipina actresses na sina Donna Fraulein Ramas Levkovski bilang Ruby at Excel Busano bilang Angel, dalawang au pair sa Denmark na nasangkot sa isang misteryosong pangyayari.
Umiikot ang kuwento sa pagkawala ni Ruby, isang Pinay au pair sa isang eksklusibong komunidad sa Copenhagen. Sa kanyang pagkawala, isang mabait na kapitbahay na si Cecilie—na ginampanan ng Danish actress na si Marie Bach Hansen—ang nagsimulang magsiyasat. Sa kanyang paghahanap ng kasagutan, unti-unti niyang nadiskubre ang mga nakakabahalang katotohanan sa likod ng au pair system, kabilang ang pagsasamantala sa mga migranteng manggagawa at ang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Kasabay ng imbestigasyon ni Cecilie, pursigidong hahanapin ni Angel—ang matalik na kaibigan ni Ruby at kapwa au pair—ang nawawala, habang isinusulong ang paghahanap ng katotohanan. Habang umuusad ang istorya, isang masalimuot na mga lihim ang unti-unting nabubunyag.
Hindi lamang ito isang kwento ng misteryo; sumasalamin din ito sa mga tunay na karanasan ng mga Filipina au pair; ang kanilang tahimik na laban, ang pananabik sa mga naiwang pamilya sa Pilipinas, at ang mga hamong kaakibat ng pagtira at pagtatrabaho sa ibang bansa. Tampok din ang mga tema ng cultural exchange, katatagan, at pagkakaisa ng Filipino community sa Denmark.
Ibinahagi ni Levkovski na sa isang eksena ng karaoke, ang kantang kanyang inawit na Tagalog ay orihinal na awiting Danish, na isinalin sa Ingles, at siya mismo ang nagsalin sa Tagalog.
Nag-iwan naman si Busano ng inspirasyonal na mensahe para sa mga manonood: “Be kind and follow your dreams. The world sometimes works out in its mysterious ways.”
Nagsimulang umere ang “Secrets We Keep” noong Mayo 15, na may anim na episodes, dubbed at may subtitles sa iba’t ibang wika, at may maturity rating na 16+. Sa loob lamang ng isang linggo mula nang ito ay i-stream, agad itong naging “most-watched series globally,” hindi lamang sa Europa kundi sa buong mundo.
Photo Source: FHEY RAMILO