Pope Leo XIV on St. Peter’s Basilica Balcony

Pope Leo XIV nanawagan ng mapayapang komunikasyon at kalayaan sa pamamahayag

May 14, 20252 min read

VATICAN CITY — Sa isang makabuluhang talumpati nitong Lunes, May 12, sa harap ng mga mamamahayag mula sa iba’t ibang panig ng mundo, nanawagan ang Santo Papa para sa isang uri ng komunikasyon na nakaugat sa kapayapaan, dignidad, at katotohanan. Pinasalamatan niya ang media sa kanilang walang-humpay na serbisyo sa pagbabalita ng mga kaganapan sa loob ng Simbahan nitong mga nagdaang linggo, kabilang na ang Semana Santa, ang pagpanaw ni Pope Francis, at ang Conclave.

 

Sa kanyang pahayag, iginiit ng Santo Papa ang mahalagang papel ng media sa pagtataguyod ng kultura ng kapayapaan, lalo na sa panahon ng kaguluhan at maling impormasyon.

Larawan ng Santo Papa sa balkonahe ng St. Peter’s Basilica, May 11, 2025

Larawan ng Santo Papa sa balkonahe ng St. Peter’s Basilica, May 11, 2025

“Peace begins with each one of us: in the way we look at others, listen to others and speak about others. In this sense, the way we communicate is of fundamental importance: we must say ‘no’ to the war of words and images, we must reject the paradigm of war,” ayon sa Santo Papa.

 

Mariing tinuligsa niya ang agresibong anyo ng komunikasyon at ang paglaganap ng ideolohikal at mapanirang impormasyon, na aniya’y nagpapalala ng pagkakahati-hati at sigalot sa lipunan.

Binigyang-diin din ng Santo Papa ang suporta ng Simbahan para sa mga mamamahayag na nakakulong dahil sa kanilang pagsusumikap na mailahad ang katotohanan.

 

“Let me, therefore, reiterate today the Church’s solidarity with journalists who are imprisoned for seeking to report the truth, and with these words I also ask for the release of these imprisoned journalists. The Church recognises in these witnesses… the courage of those who defend dignity, justice and the right of people to be informed, because only informed individuals can make free choices,” pahayag ng Santo Papa.

 

Tinawag niya ang atensyon ng mga bansa at ng pandaigdigang komunidad upang itaguyod ang kalayaan sa pamamahayag at igalang ang mga karapatang pantao.

Nagbabala rin ang Santo Papa tungkol sa mga hamon ng makabagong teknolohiya, partikular na ang artificial intelligence, na kailangang gamitin nang may pananagutan upang mapangalagaan ang kabutihan ng lahat.

 

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, pinuri niya ang mga mamamahayag sa kanilang pagsusumikap na ilahad ang katotohanan at bumuo ng pagkakaunawaan sa gitna ng mga krisis.

 

“Let us disarm communication of all prejudice and resentment, fanaticism and even hatred; let us free it from aggression. We do not need loud, forceful communication, but rather communication that is capable of listening and of gathering the voices of the weak who have no voice. Let us disarm words and we will help to disarm the world,” sabi niya.


Photo credit: Portia Delgado

Back to Blog

© The Filipino Correspondent Network 2025. All Rights Reserved.