
VP Sara: FPRRD Kalmado At Maganda Ang Dispusisyon; Nagpasalamat Sa ICC
With report and photos from Bong Agustinez, TFCN Paris
PARIS–Bumisita si Pangalawang Pangulo Sara Duterte sa Paris, France upang magpasalamat sa mga Pilipino at maghatid ng balita tungkol sa kalagayan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte na nasa The Netherlands.
Masiglang sinalubong ng mga Pilipino si VP Sara sa harap ng Eiffel Tower noong Agosto 18, kung saan tumagal ng halos tatlong oras ang pagtitipon.

Ayon sa VP Sara, kalmado at mas maganda ang dispusisyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa ICC detention pero nangayayat umano ang kanyang ama.
Natutuwa rin ang bise presidente na nagkaroon ng second opinion ang mga doktor sa The Netherlands sa health condition ni FPRRD.
"In a way blessing iyong nangyari nagkaroon ng second opinion ang mga doktor dito sa Netherlands dahil baka na-review ang mga gamot na binibigay sa kanya. Kasi napansin ko yung kanyang mood at yung kanyang disposisyon ay mas better compared noon. In fact, noon si PRRD very aggressive at madali mag-init ang ulo but ngayon kalmado siya. Tinatanong ko sa kanya yung mga sakit ng ulo, likod mo dati...nagtataka siya nawala," ayon kay VP Sara.

Dahil dito, lubos ang pasasalamat ni VP Sara sa International Criminal Court (ICC) detention center sa pag-aalaga sa kalusugan ng kanyang ama.
Mula Paris ay tumungo na ang Bise Presidente sa The Netherlands.
Nakakulong ngayon si dating pangulong Duterte sa The Hague, Netherlands kaugnay ng kasong crimes against humanity na kinakaharap niya bunga ng madugong drug war noong kanyang administrasyon.
Itinakda ng ICC ang unang pagdinig sa kaso sa darating na September 23, 2025.