
ASAP England, Dream-Come-True Para Kay Eurovision 2025 Champion JJ Pietsch
BIRMINGHAM, England – Pangarap lang dati ni Eurovision 2025 champion JJ Pietsch ang makasama ang ASAP OGs, pangarap na nito lang nakaraang weekend, ay natupad.
Kasama si JJ sa iba pang mga Filipino talent na nakabase sa Europa sa mga nagtanghal sa #ASAPEngland stage sa BP Pulse Arena sa Birmingham nitong August 30, 2025. Para kay JJ isa itong proud Pinoy moment lalo't ang pagbabalik ng ASAP sa England matapos ang isang dekada ay bahagi ng ika-30 anibersaryo nito.
Sa apat na oras na non-stop show, ang opening act ng ASAP England ay ang Lahing Kayumanggi Dance Company kasama ang BINI. Ngunit tumatak talaga sa Filipino community sa Europa ang pagsasama sa entablado ng ASAP stars at ng mga Pinoy na gumawa ng pangalan sa global stage.

Kung sa ASAP may pambato sa sayawan na sina AC Bonifacio, Maymay Entrata, at Kim Chiu, nagpabilib din naman ang London-based Filipina ballerina na si Anya Alindada at si Chantelle Tonelete, na sumalang na sa The Grinch Musical at Matilda.
Nakasama rin sa entablado ang mga West End veteran performers na sina Gia Macuja at Ces Bonner, pati na rin ang Haraya Choir na kumanta kasama si Asia's Songbird Regine Velasquez.

Binigyang-pugay din ng ASAP ang mga European-based reality singing champions, kabilang na sina The Voice Kids 2020 winner Justine Afante at TeenStar Ireland 2019 champion Joshua Regala.
At siyempre pa, ang maka-tindig balahibong performance ni Eurovision 2025 winner JJ Pietsch, na ang trademark na kanta ay kumbinasyon ng pop at opera. Si JJ ay isang countertenor sa Vienna State Opera nang manalo sa Eurovision ngayong taon sa kantang "Wasted Love," na siya rin ang sumulat.

"It was such a great honour to have been able to have this momentum and use this to showcase my talent," sabi ni JJ. "Pinakita ko at sinabi ko rin sa mga tao that I am Filipino. Very proud Filipino. Dinala ko rin ang pagka-Filipino ko sa international stage."
Kahit hindi siya lumaki sa Pilipinas, matatas mag-Tagalog si JJ. Dahil Pinay ang nanay niya, videoke ang nag-introduce sa kanya sa pagkanta at mahilig dito.
"Nung bata po ako, mga 2 years old, nagvi-videoke po kami sa bahay every weekend," paggunita niya. "At 15, I felt I wanted to be an opera singer."
Dream come true kay JJ ang makasama ang kanyang paboritong ASAP stars, lalo na sina Regine Velasquez at Morissette. Kaya naman, "Super proud at super emosyonal kasi pina-follow ko lahat ng artista since I was a child. I was always watching ABS from home. And being here, to be able to share the stage with them is a full circle moment for me."
Saktong-sakto ang pag-perform niya sa ASAP dahil ire-release ang bago niyang single sa Biyernes.
Para sa mga Europe-based artists na nakasama sa lineup ng UK comeback ng ASAP at sa selebrasyon ng ika-30 anibersaryo ng pinakamatagal na musical variety show sa Pilipinas, katuparan ng pangarap nila ang i-showcase ang Pinoy talent sa global stage.
Photos: Paul Fernandez, TFCN Birmingham