
#ASAPEngland: Isang Hapon Ng Pasabog-Performances At Pasasalamat
BIRMINGHAM, England—Naging makulay at makapigil-hininga ang pagdiriwang ng ASAP England noong Agosto 30, 2025 sa BP Pulse Arena sa Birmingham. Agaw-pansin ang bawat sandali ng palabas sa harap ng nag-uumapaw na venue.
Isang Gabi ng mga Pasabog na Performance
Hindi lang basta performance ang dala ng mga bituin mula sa Pilipinas, kundi tunay na isang selebrasyon ng talento. Kabilang sa mga nagbigay ngiti at luha ng pagka-miss sa bayan ay ang mga OPM icon na sina Zsa Zsa Padilla, Regine Velasquez-Alcasid, Ogie Alcasid, Martin Nievera, at si Mr. Pure Energy na si Gary Valenciano.
Nagkaroon din ng special collaboration si Gary V. kasama ang Nation's Girl Group BINI para sa isang modernong bersyon ng classic hit niyang "Di Bale Na Lang" na nagpakita ng kakaibang chemistry ng dalawang henerasyon ng OPM.

Naging trending din ang duet nina Kim Chiu at Paulo Avelino na talagang ikinatuwa ng kanilang fans na KimPau.








Hindi rin nagpahuli ang "kilig" moments ng iba pang heartthrobs na sina Joshua Garcia, James Reid, Piolo Pascual, Kyle Echari at ang loveteam na DonBelle.
May comedy skit number pa mula kina Robi Domingo, Darren Espanto, Donny Pangilinan, Kyle Echari at Edward Barber.
Samantala, pasabog din sina Maymay Entrata at AC Bonifacio.



Muling Pagkilala at Pasasalamat
Hindi rin malilimutan ang nakakabaliw na performance ng Unkabogable Superstar na si Vice Ganda, na tumupad sa kanyang pangako at inulit ang isa sa mga production number niya mula sa kanyang concert sa Araneta Coliseum.




Siyempre, hindi rin nagpatalo ang mga powerhouse vocalists na sina Jona, Klarisse, Morissette, Angeline Quinto, at ang The Voice Philippines champion na si Sofronio Vasquez na nagpakita ng kanilang walang kapantay na galing sa pag-awit.
Pinatunayan din nina Maki, KZ Tandingan, Yeng Constantino at Bamboo sa kanila ring outstanding performance.


At siyempre, hindi lang ang ASAP performers ang bumida sa show kundi nagkaroon din ng audience interaction ang Kapamilya stars. May freebies pa para sa kanila bago nagsimula ang show.





Bilang pasasalamat, nagtapos ang show sa isang grand shower ng confetti habang kumpleto ang ASAP family na namamaalam sa buong audience. Isang gabi ito na nag-iwan ng hindi malilimutang alaala sa mga Pinoy sa UK, na nagpapatunay na sa puso ng bawat isa, nananatiling buhay ang pagmamahal sa kulturang Pilipino.

Photos: Paul Fernandez, TFCN Birmingham