
Au Pair Night! Ano ba Ito?
Masaya ang ilang au pair sa Haarlem, The Netherlands dahil sa libreng pa-buffet dinner na handog sa kanila. Tampok ang masasarap na putahe gaya ng sisig, Pinoy spaghetti, lechon, bangus, pritong talong, kaldereta, binagoonan, biko, cassava cake at leche flan.

Naisip ng may-ari ng Chibog Oriental Fusion Cuisine sa Haarlem na si Eva Pulido na bigyang-kasiyahan ang mga au pair sa pamamagitan ng mga espesyal na Filipino food dahil paminsan-minsan lamang sila nakakain ng parang lutong bahay.
Madalas kasi mula Lunes hanggang Biyernes (at minsan kahit weekend) ay abala sila sa pag-asikaso sa kanilang mga host family at ang pagkain nila ay Dutch cuisine at bibihira ang Filipino o Asian food.

Hindi rin sila basta-bastang nakakapagluto ng Pinoy food sa bahay ng kanilang host, liban na lamang kung papayagan sila. Kaya noong Sabado, July 12, inimbitahan sila ni Eva sa isang libreng eat-all-you-can dinner sa Chibog Oriental Fusion at di nawala ang kwentuhan at tawanan. Isa itong paraan para makapag-unwind ang mga au pair matapos ang isang linggong pag-ta-trabaho sa bahay ng kanilang mga host.
Ang au pair system ay isang cultural exchange program kung saan ang mga kabataan na nag-e-edag mula 18-25 ay maaaring makapag-apply ng isang taong kontrata sa isang host family sa Europe o ibang developed countries na sasagot ng kanilang pamasahe, insurance, agency fees, at monthly allowance na 340 euro.
Kapalit ng pag-ho-host ay ang at least limang araw na umano ay ´light household chores´ gaya ng pag-aalaga ng mga bata, pagsundo sa kanila sa eskuwelahan, paglilinis ng bahay, pagluluto at paglalakad sa alagang aso sa labas.
Naging posible ang au pair night dahil sa pag-isponsor ng mga ate at kuya sa Haarlem, na karamihan ay mga kaibigan ni Eva. Ilan sa kanila ay mga dating au pair din kaya lubha nilang naiintindihan ang kalagayan ng mga kabataang ito, na halos pinagkakasya lang ang maliit na allowance.
Image Source: JT