
Sikat Na Filipino Restaurant Sa Hong Kong, Magsasara Na Matapos Ang 42 Taon
HONG KONG—Matapos ang 42 taon ng paghahain ng paboritong lutong Pinoy at pagiging kanlungan ng mga Filipino, opisyal nang magsasara ang kilalang restaurant at bar na Cinta-J sa Setyembre 30, 2025.
Ilang Filipino sa Hong Kong ang nagpahayag ng pagkalungkot dahil umano itinuring na nilang "pangalawang tahanan" ang Cinta-J. Sikat ang establisimyento sa Wan Chai hindi lamang sa masasarap na "comfort food" ng Pilipinas kundi maging sa live karaoke at magandang serbisyo.
Ayon sa report ng South China Morning Post, kinumpirma ng may-ari na sina Bryan at Cris Lee ang pagsasara dahil hindi na na-renew ang kanilang lease sa pwesto. Nagulat din umano sila sa desisyon ng may-ari ng property na kunin na ang lugar.
Ipinaskil din nina Lee ang anunsyo ng pagsasara ng Cinta-J sa Facebook page ng restaurant at hindi itinago ang kanilang pagkalungkot.

Sa loob ng mahigit apat na dekada, naging sentro ang Cinta-J ng mga pagtitipon at selebrasyon ng mga Filipino sa Hong Kong.
Ang nalalapit na pagsasara ay nag-udyok sa maraming suki at miyembro ng komunidad na mag-alay ng mga mensahe ng pasasalamat at pag-alala sa kanilang social media accounts, patunay sa malalim koneksyon ng restaurant sa kanilang buhay.
Cover image: Cinta-J Facebook