Seasonal Workers Program Ng Republic of Korea

DMW At Pamahalaan Ng Pilipinas, Lumagda Sa Joint Memorandum Para Sa Pagpapatupad Ng Seasonal Workers Program Ng Republic of Korea

November 06, 20252 min read

MANILA—Pinangunahan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang signing ceremony ng Joint Memorandum for the Implementation of the Seasonal Workers Program (SWP) ng Republic of Korea. Ginanap ang seremonya sa DMW Central Office (Blas F. Ople Building) sa Mandaluyong City, 4 November 2025.

Dumalo sa okasyon ang mga opisyal mula sa DMW sa pangunguna ni Secretary Hans Leo J. Cacdac, Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Romeo P. Benitez, Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Ezzedin H. Tago, Department of Agriculture (DA) OIC-Asst. Secretary Junibert E. De Sagun, Department of Justice (DOJ) Asst. Secretary Randolph A. Pascasio, at Bureau of Immigration (BI) Deputy Commissioner Maj. Gen. Atty. Joel Alejandro S. Nacnac.

Kasama rin ang mga kinatawan mula sa Embassy of the Republic of Korea in Manila sa pangunguna ni First Secretary Jeoung-bin Lee. Kabilang din sa mga dumalo ang delegasyon ng Pura, Tarlac sa pangunguna ni Mayor John Paul Balmores at 47 seasonal workers mula sa naturang munisipalidad na bahagi ng Seasonal Workers Program ng South Korea.

Layunin ng joint memorandum na tiyakin ang maayos, ligtas, at legal na pagpapatupad ng Seasonal Workers Program para sa mga Pilipinong manggagawang pansamantalang magtatrabaho sa South Korea. Sa ilalim ng programang ito, maaaring makapagtrabaho ang mga Pilipino sa panahon ng mataas na pangangailangan sa sektor ng agrikultura at pangingisda, habang sinisiguro ang kanilang karapatan, kapakanan, at ligtas na pagbabalik sa bansa.

Itinataguyod ng kasunduan ang whole-of-government approach kung saan magtutulungan ang DMW, DFA, DA, DILG, DOJ, at BI upang maprotektahan ang mga seasonal worker sa lahat ng yugto ng kanilang deployment. Kabilang dito ang pagbuo ng malinaw na proseso para sa recruitment, training, documentation, monitoring, at welfare assistance sa mga manggagawa at kanilang pamilya.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang maayos at dekalidad na serbisyo at proteksyon para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) at kanilang mga pamilya. Patuloy na isinusulong ng DMW ang layunin nitong gawing ligtas, makatao, at may dignidad ang bawat oportunidad sa pagtatrabaho sa ibang bansa.

Back to Blog

© The Filipino Correspondent Network 2025. All Rights Reserved.