frassati-acutis-canonizations-feature

MGA BATANG SANTO: ISANG KWENTO SA ATING PANAHON

September 05, 20253 min read

MANILA, Philippines—Para sa mga Katoliko, isang hindi malilimutang araw ang darating na Setyembre 7, 2025. Sa makasaysayang St. Peter’s Square sa Vatican, dalawang modernong binata ang itataas sa altar at ipoproklama bilang mga bagong santo—sina Blessed Pier Giorgio Frassati at Blessed Carlo Acutis. 

Magkaiba man ang kanilang pinagmulan at henerasyon, pinagbuklod naman sila ng isang bagay: ang matinding pagmamahal kay Hesus na nag-udyok sa kanila na maging huwaran ng kabanalan sa kabataan.

Pier Giorgio Frassati: Ang Kabataang "To The Heights"

Isinilang sa isang prominenteng pamilya sa Turin, Italy, noong 1901 si Pier Giorgio.

Mayaman ang kanilang pamilya ngunit higit na mayaman sa pananampalataya. Sa murang edad, ipinamalas niya ang malalim na debosyon sa Eukaristiya at paglilingkod sa mga mahihirap. Palihim siyang sumasali sa mga gawaing kawanggawa, nagbibigay ng pagkain, damit, at oras para sa mga nangangailangan. Kilala siya sa kanyang masigla at nakahahawang “spirit”. Tiinawag siyang "Man of the Eight Beatitudes" ni Saint Pope John Paul II.

Bilang isang masugid na mountaineer, ginawa ni Pier Giorgio ang kanyang hilig na isang spiritual metaphor. Ang kanyang motto, "Verso L'Alto" o "To the Heights," ay nagpapaalala sa lahat na ang buhay Kristiyano ay isang patuloy na pag-akyat patungo sa Diyos. Namatay siya sa edad na 24, na hinihinalang nakakuha ng polio mula sa isa sa mga may sakit na kanyang inalagaan. Ang kanyang pagiging simple, kabanalan, at pagmamahal sa kapwa ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mga kabataan ngayon na abutin ang "tuktok" ng kabanalan.

Carlo Acutis: Ang 'Millennial' na Misyunaryo

Kung si Pier Giorgio ay nabuhay sa panahon ng industriyalisasyon, si Carlo Acutis naman ay ipinanganak sa panahon ng digital revolution. Isinilang noong 1991 sa London at lumaki sa Milan, Italy, si Carlo ay kilala bilang "God's influencer." Sa edad na 15, namatay siya dahil sa leukemia. 

Ngunit sa maikli niyang buhay, nagawa niyang gamitin ang kanyang husay sa computer para sa pagpapalaganap ng pananampalataya.

Pangarap ni Carlo na maibahagi ang "Tunay na Presensya ni Hesus" sa Eukaristiya sa buong mundo. Ginawa niya ang isang online exhibition ng mga milagro ng Eukaristiya, na ngayon ay matatagpuan sa iba’t ibang bansa. Tinuruan niya ang kanyang sarili sa computer programming at animation upang maisakatuparan ang kanyang misyon. Ang kanyang sikat na kasabihan, "The Eucharist is my highway to heaven," ay nagpapakita ng kanyang malalim na pagmamahal sa Banal na Sakramento. Ang kanyang pagiging simple, kababaang-loob, at sigasig sa pagiging misyonero gamit ang modernong teknolohiya ay nagpapakita na ang kabanalan ay abot-kamay kahit sa digital na mundo.

Dalawang Panahon, Isang Pananampalataya

Ang magkasabay na canonization nina Pier Giorgio at Carlo ay nagbibigay-diin sa “universal call for holiness”. Sa kabila ng pagkakaiba ng kanilang panahon at pamumuhay, nagkaisa sila sa kanilang matinding pag-ibig sa Eukaristiya, pagmamalasakit sa mahihirap, at pagnanais na maibahagi ang Ebanghelyo. Sila ay mga patunay na ang kabanalan ay hindi lang para sa mga pari at madre, kundi para sa lahat ng bininyagan, bata man o matanda, mayaman man o mahirap.

At sa Setyembre 7, masasaksihan ng buong mundo ang pagkilala ng Simbahan sa dalawang kabataang nagpakita ng kahanga-hangang katapatan kay Kristo. Ang kanilang buhay ay magsisilbing hamon at inspirasyon sa bawat isa na sundan ang kanilang yapak—na gawing "highway to heaven" ang Eukaristiya at patuloy na "umakyat" patungo sa rurok ng kabanalan, "Verso L'Alto."

Back to Blog

© The Filipino Correspondent Network 2025. All Rights Reserved.