
Hiling na Interim Release kay Rody Duterte, 'Mapanganib' sa mga Biktima
MANILA — Mahigpit na tinututulan ng mga pamilya ng naging biktima ng human rights violations ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang hiling sa International Criminal Court na 'interim release' nito.
Iyan ay ngayong 100-araw nang nakakulong sa The Hague ang dating Presidente.
Giit ni Atty. Neri Colmenares, ang interim release ay magmimistulang banta at nakaumang na panganib sa kaligtasan ng mga biktima, kaya pormal nila itong kokontrahin sa husgado.
"Mahirap na mag-testify kung ang tinetestify ay naka-release," ayon kay Colmenares.
Aniya, "Sana naman i-consider ng ICC ang opinyon ng biktima,” dahil ang pagpapalaya kay Duterte ay magdudulot ng takot sa drug war victims.
Hindi aniya masisiguro ng ICC na haharap sa trial at hindi tatakas ang inarestong dating Pangulo
Samantala, kontra rin sa interim release ang Movement Against Tyranny (MAT), ang network na nilikha kasunod ng brutal na pagpaslang sa disisiete anios na umano'y extra-judicial killing victim na si Kian de los Santos.
Ayon sa grupo, kung pagbibigyan ng ICC ang hiling na pagpapalaya kay Duterte, gigiba ito sa integridad ng korte.
Giit ng MAT, hustisya ang nananatili nilang sigaw laban sa dating pangulo.
Photo Source: Movement Against Tyranny FB