Ilang OFW sa Rome, Umalma Nang Idawit sa insidente ng ‘Bully’ sa Switzerland

Ilang OFW sa Rome, Umalma Nang Idawit sa insidente ng ‘Bully’ sa Switzerland

September 09, 20263 min read

Cover image: Iseltwald, Switzerland na naging sikat dahil sa Korean Netflix series na Crash Landing On You (CLOY)/Jofelle Tesorio

TURIN, Italy — Ilang Filipino workers mula Rome, Italy ang umalma na nakakatanggap ng mga masasamang mensahe o online bullying mula sa mgaPinoy content creators, kung saan dinadawit sila na kasama sa di umano’y nam-bully sa Filipinang turista sa Iseltwald, Switzerland, na naging tourist spot dahil sa Korean Netflix series na Crash Landing On You (CLOY).

Sa panayam ng The Filipino Correspondent Network (TFCN), ilang araw nang nakakatanggap ng mga masasamang salita mula sa ibat-ibang content creators ang mga Filipina mula Rome na hindi kasama sa tour sa Iseltwald.

Sila sina Petrusblaire Amor, Rosie Soriano, Catheline Sebastian at Fatima Haduc.

Nanawagan sila sa mga bully na content creators na itigil na ang paninira sa kanila at hindi sila kasama sa Iseltwald tour.

Lubha na umanong nakaaapekto ang online bullying sa mga kakabaihan at dinidibdib ang mga matatalas na salita sa kanilang mga mensahe, picture at live comments na natatanggap sa Facebook, at isinasama pa ang kanilang mga litrato sa mga Facebook post ng ibang content creators.

“Saturday ng gabi, pagkagising ko, nag-viral ang posts, ko, nakalagay “Mamatay ka na sana”,“Papadalan ka ng ataul” “Gurang ang panget mo”. Di ko alam ang gagawin ko. Di ko tinuloy ang binabasa ko, dinelete ko na agad,” sabi ni Soriano.

“Di naman kami nagpunta doon, bakit sinasama nila kami, nagwork kami sa Roma,” ayon pa kay Soriano. "Picture ko na ginamit at ginawang viral ay sa Scandinavian trip," ayon sa kanyang paglilinaw.

Minamaliit din ng kapwa Filipino ang pagiging overseas Filipino workers ng mga ito, mula sa mga mensahe na natatanggap nila. Anila, proud sila sa trabaho nila at nakabili sila ng sariling bahay sa sipag at tyaga nila sa pagtatrabaho bilang domestic helper sa Roma.

“Nag-full storage sa dami ng hate messages, marami na akong dinelete,” ayon kay Sebastian.

“Sinira nila ang birthday ko nung live ko..tinatagan ko lang sarili, pero ang sakit-sakit. Teacher kasi ako.. please wag n'yo na idamay ang mga bata. Sobra na po,” sabi ni Haduc habang umiiyak sa sobrang sakit na salita ang natanggap nya noong birthday nya.

“Badmouthing talaga. Dinelete ko na lang. Sayawan sa bday ko, sobrang binully, sabi “kelan kaya ililibing ito?” Hindi po kami sumasagot, naglive kami nun,” ayon pa kay Haduc.

“Dahil sa pagpost niya, marami ang inosenteng nadamay at kasama kami dun. Hindi lang itong apat na dalaga ang nag-iipon sa byahe na ito, lahat ng present dun. Ngayon, aware na sya sa pangyayari and yet wala syang ginawa na i-appease ang galit ng tao,” ayon naman kay Amor.

Naunang inireport ng TV5 News na may Pinoy tourists ang umano’y nambully sa kapwa Pinoy sa Iseltwald. Ipinakita ang inilathalang viral video posts sa Facebook ni Raemae Bagotsay.

Sa video, marami ang nakapila at naghihintay sa apat na mga dalaga. Ilan dito ang nakapagbitaw ng mga masasamang salita subalit hindi nabanggit kung ano ang sanhi ng pagkainip ng mga nakapila.

Mula sa mga nakabisita na sa Iseltwald kung saan nakaranas din ng mahabang pila, naging considerate sila sa mga kasunod sa pila at hindi nila tinatagalan ang pagkuha ng litrato. May unwritten rule o common sense rule na mag picture ka nang mabilis at ibigay sa kasunod.

May mga nagsabing umabot sa mahigit 15 minutes ang pagpicture ng apat na dalaga, kung saan may kasunod pa itong mahigit 60 mga turista na nag-tour mula Rome.

“Here is my take: Being Impatient is never a license to be cruel;” ayon sa pahayag ni Bagotsay sa Facebook. Kasalukuyang namamasyal sa Rome si Bagotsay.

Naging mass tourists attraction na ang Iseltwald dahil sa kinunang scene ni Capt. Ri Jeong-hyeok sa pier nito.

Kilala ang Iseltwald bilang tahimik na lugar na may maganda scenery para sa mga backpackers at skiers.

Subalit nang simulan na itong dayuhin ng fans ng CLOY, na karamihan ay Asians, nagpabayad na ang may-ari ng pier ng 5 Swiss francs of 387 pesos kada pasok para sa paglilinis ng lugar.

The Filipino Correspondent Network

The Filipino Correspondent Network

From Europe to the Middle East, the US to Asia Pacific and beyond —our seasoned correspondents bring you the latest in community, national, and global news

Instagram logo icon
Youtube logo icon
Back to Blog

© The Filipino Correspondent Network 2026. All Rights Reserved.