Ina ng Murder Suspect sa Rome

Ina ng Murder Suspect sa Rome, Tumulong Umano sa Pagtago ng Ebidensya

April 08, 20252 min read

ROME, ITALY -Inamin ng ina ni Mark Anthony Samson na tumulong sya sa pagtago ng ebidensya sa pagpatay umano ng kanyang anak sa dating nobya.

Ayon sa ulat ng ANSA (Agenzia Nazionale Stampa Associata), isang national news agency sa Italya, inamin ni Nors Manlapaz, ina ng suspek, sa pulisya na tumulong siyang linisin ang bahay at alisin ang mga bakas ng dugo matapos patayin ng kanyang anak ang dating nobya na si Ilaria Sula, 22- anyos, sa pamamagitan ng pagsaksak.

“L’ho aiutato a pulire casa, a cancellare le tracce di tutto quel sangue” (“Tinulungan ko siyang linisin ang bahay, alisin ang mga bakas ng dugo”), ayon sa kanyang pahayag sa mahigit tatlong oras na interogasyon sa Questura o police headquarters ng Roma.

Dahil sa kanyang pag-amin, pormal na siyang sinampahan ng kasong pakikipagsabwatan sa pagtago ng bangkay.

Ayon sa imbestigasyon, nasa bahay ang ina sa oras ng krimen. Ginamit rin ng mga imbestigador ang mga mensahe sa cellphone ni Manlapaz upang patunayan ang kanyang presensya sa lugar ng krimen.

Ginamit rin ng mga imbestigador ang mga mensahe sa cellphone ni Manlapaz upang patunayan ang kanyang presensya sa lugar ng krimen.

Unang sinabi ni Samson na wala itong kasabwat sa krimen na hindi kapani-paniwala sa pulisya.

Batay sa ulat, sinaksak ni Samson sa leeg si Sula noong March 26, bandang alas-11 ng umaga, gamit ang kitchen knife matapos makakita ang dating nobyo ng mensahe mula sa ibang lalaki sa cellphone nito.

Kasunod nito, tinulungan umano siya ng kanyang ina na linisin ang bahay at posibleng tumulong rin sa paglalagay ng bangkay sa loob ng maleta.

Tinapon ni Samson ang maletang may bangkay bandang alas-2 ng hapon sa isang bangin sa Poli, mahigit isang oras ang layo mula Roma.

Sa detalye ng imbestigasyon, nagtungo si Sula sa bahay ng suspek noong Marso 25 upang kunin ang mga naiwang mga damit at iba pang personal na gamit.

Ayon sa imbestigasyon, pinatulog umano ni Samson ang dating nobya sa bahay kung saan kasama rin naninirahan ang mga magulang.

Kinagabihan, nagpadala pa ang biktima ng huling mensahe sa isang kaibigan, kung saan sinabi niyang nasa bahay siya ni Samson.

Kinabukasan, Marso 26, nadiskubre umano ni Samson ang mga mensahe mula sa isang lalaki sa cellphone ng biktima na naging mitsa ng pananaksak ng suspek.

Nagtamo si Sula ng tatlong malalalim na saksak sa leeg, isa pang mababaw na sugat sa parehong bahagi, at ilang sugat sa mga braso.

Kasalukuyang nakakulong si Samson sa Regina Coeli at nahaharap sa kasong aggravated voluntary homicide.

Patuloy pa ring iniimbestigahan ang posibleng papel ng ama, na ayon sa ulat ay wala sa bahay noong naganap ang krimen.

Ayon sa abogado ni Samson na si Paolo Foti, "Labis ang dalamhati ng mga magulang ng binata, hindi makapaniwala, gulat, takot, at taos-pusong humihingi ng kapatawaran sa lahat ng nangyari."


Photo Source: Courtesy of ANSA, Photo of Sula and Samson courtesy of Il Messaggero

Back to Blog

© The Filipino Correspondent Network 2025. All Rights Reserved.