
US President Donald Trump Lumipad Na Papuntang Israel Para Sa Pagpapalaya Ng Mga Hamas Hostage; Peace Deal, Inaasahang Lalagdaan
MANILA—Nakatuon ngayon ang maraming bansa sa ipinatutupad na ceasefire sa pagitan ng Israel at Hamas na tinulungang isaayos ng Estados Unidos, partikular ang nakatakdang pagpapalitan ng mga bihag at bilanggo.
Matapos ang matinding negosasyon, inaasahang magsisimula o isasagawa na rin ngayong araw ang pagpapalaya ng mga dalawampung (20) natitirang buhay na hostages ng Hamas. Kinumpirma ng mga opisyal ng Israel na nakahanda na rin sila sa pagpapalaya naman sa may dalawang libong (2,000) Palestinian detainees at mga bilanggo.
Kasabay nito, lumipad na patungong Israel si US President Donald Trump. Ito'y para saksihan ang pormal na paglagda sa makasaysayang kasunduan at salubungin ang mga pinalayang bihag na Israeli.
Ayon sa White House, ang pagbisita ni Pangulo Trump ay isang "high-stakes diplomatic" na hakbang na naglalayong hindi lang tapusin ang dalawang taong gera, kundi magbigay rin ng momentum para makabuo ng pangmatagalang kapayapaan sa Gitnang Silangan.
Nagpahayag ng optimismo si Trump bago umalis. Nang tanungin kung sa palagay ba niya ay tapos na ang digmaan, "The war is over. Okay? You understand that?" tugon ni Trump.
Naniniwala rin siyang magtatagal ang ceasefire dahil pagod na umano ang mga mamamayan ng Israel at Gaza sa nangyayari.
"This is more than Gaza, this is peace in the Middle East... Gaza is going to be a place that reconstructs and the other countries in the area will help it reconstruct, because they have tremendous amounts of wealth, and they want to see that happen."
Nangako rin si Trump na tutulong ang Estados Unidos, partikular ang kanyang administrasyon para maging matagumpay ang peace agreement.
Ang palitan ng bihag ay bumubuo sa unang yugto ng peace deal na naglalaman din ng mas malaking tulong-humanitarian (fuel at pagkain) na papasok sa Gaza.

