
KILALANIN: 3 Pilipinong Kardinal na Kabilang sa Pagpili ng Santo Papa
VATICAN CITY — Tatlong Pilipinong kardinal ang kinumpirmang kwalipikado upang lumahok sa darating na conclave. Ito ang lihim na pagtitipon ng mga kardinal para sa pagpili ng bagong Santo Papa kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis alas-7:35 ng umaga (oras sa Roma), Abril 21, 2025.
Kabilang sa mga cardinal-electors na ito ay si Cardinal Luis Antonio Tagle, dating Arsobispo ng Maynila at kasalukuyang Pro-Prefect for the Section of First Evangelization ng Dicastery for Evangelization sa Vatican. Ayon sa Vatican News, si Tagle rin ang kauna-unahang Pilipino na naitalaga bilang Cardinal-Bishop, ang pinakamataas na katungkulan sa College of Cardinals.
Kasama rin si Cardinal Jose F. Advincula, na itinalaga ni Pope Francis bilang kardinal noong Nobyembre 2020 at naging Arsobispo ng Maynila noong 2021, batay sa ulat ng CBCP News.
Pangatlo sa listahan si Cardinal Pablo Virgilio David, Obispo ng Kalookan at kasalukuyang Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP). Itinalaga siya bilang kardinal ni Pope Francis noong Disyembre 2024, na siyang naging dahilan upang siya ang ika-10 Pilipinong umupo sa ganitong posisyon sa kasaysayan ng Simbahang Katolika sa bansa.
Sa kasalukuyan, may limang Pilipinong cardinal. Gayunman, sina Cardinal Gaudencio Rosales at Cardinal Orlando Quevedo ay hindi na maaaring lumahok sa conclave dahil lagpas na sila sa itinakdang edad na 80 taong gulang para sa pagboto, ayon sa Universi Dominici Gregis, ang opisyal na panuntunan ng Simbahan para sa halalan ng Santo Papa.
Proseso ng Conclave:
Ang conclave ay isang sagradong proseso ng halalan kung saan ang mga kwalipikadong kardinal na hanggang edad na 80 ay nagtitipon sa loob ng Sistine Chapel sa Vatican. Ayon sa opisyal na paliwanag mula sa Vatican, karaniwang nagsisimula ang conclave 15 hanggang 20 araw pagkatapos ng pagkamatay ng Santo Papa. Bago ito, isinasagawa muna ang siyam na araw ng panalangin at pagluluksa na kilala bilang novendiales.
Sa loob ng conclave, ang mga kardinal ay bumoboto nang hanggang apat na beses bawat araw. Upang maihalal bilang bagong Papa, ang isang kandidato ay kinakailangang makakuha ng hindi bababa sa dalawang-katlong bahagi ng boto mula sa lahat ng mga bumoboto. Kapag naabot ito, opisyal na ihahayag sa publiko ang kanyang pagkapanalo sa pamamagitan ng pamosong anunsyong “Habemus Papam” (“Mayroon na tayong Santo Papa”) mula sa balkonahe ng St. Peter’s Basilica, ayon sa ulat ng Vatican News.
Ang buong proseso ay isinasagawa sa ilalim ng mahigpit na panuntunan at ganap na pagkakahiwalay sa labas ng mundo upang matiyak ang integridad ng halalan.