lisbon-funicular-tragedy

Trahedya Sa Lisbon: Iconic Na Funicular, Nadiskaril, 15 Patay

September 04, 20251 min read

LISBON, Portugal – Labinlima (15) ang patay at 18 ang nasugatan matapos madiskaril ang Gloria funicular railway car, isa sa mga sikat sa mga turista at iconic symbol ng lunsod, Miyerkoles, 03 Sept. 2025, oras sa Portugal.

Ayon sa isang tagapagsalita ng Lisbon emergency medical service, nangyari ang insidente habang umaakyat sa matarik na burol. 

Sa report ng Reuters, hindi pa tinutukoy ng mga otoridad ang pagkakakilanlan at nasyonalidad ng mga biktima, ngunit kinumpirmang kasama sa mga nasawi ay mga foreign national. Lima naman sa 18 nasugatan ay nasa malubhang kondisyon.

Ayon sa mayor ng Lisbon, Carlos Moedas, “isang malungkot na araw” ito para sa lunsod at nagluluksa ang buong Lisbon sa hindi inaasahang trahedya.

Idineklara ng gobyerno ng Portugal ang Huwebes bilang araw ng pambansang pagluluksa.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga pulis at ang tanggapan ng piskal heneral para  matukoy ang sanhi ng aksidente.

Ang Gloria funicular railway na binuksan noong 1885, ay nag-uugnay sa downtown Lisbon at sa sikat na Bairro Alto.

Samantala, ayon sa Philippine Embassy sa Lisbon, kasalukuyan na silang nangangalap ng impormasyon kung may mga Pilipinong nasaktan o nadamay sa nangyaring aksidente.

Photo: Lisbon Transport file

Back to Blog

© The Filipino Correspondent Network 2025. All Rights Reserved.