Lolit Solis

Lolit Solis, Pumanaw na sa edad na 78

July 04, 20253 min read

MANILA, PHILIPPINES —Pumanaw na ang beteranong showbiz journalist at talent manager na si Lolit Solis. Siya ay 78-taong gulang.

Inanunsyo ng pamilya ang balita sa pamamagitan ng beteranong showbiz writer na si Gorgy Rula:

"Rest in Paradise, Nay! Our beloved Manay Lolit Solis has peacefully joined her Creator last July 3, 2025. Manay Lolit leaves behind a loving family and many friends who will always cherish her memory. We remember Manay Lolit as a feisty and staunch loyal supporter, manager, and friend. We love you, our dearest Manay, and you will forever be in our hearts. Rest well now in the loving embrace of our Lord. #NayLolit #ClassicLolita"

Taong 2023 nang isiwalat ni Manay Lolit na mayroon siyang acute kidney infection, at nagsimulang mag-dialysis nuong 2022.

Sinabi pa niyang nakaranas sya ng mild stroke nuong 2023, na tinawag niyang "biggest health scare" ng kanyang buhay.

Tinawag ni Manay Lolit na "semi-retirement" ang paminsan-minsan na lang na pagpo-post sa kanyang Instagram account sa nakalipas na ilang taon.

Sa kanyang post nuong June 26, isinulat niyang nanghihina siya at madali nang makalimot.

Sinundan iyon ng ideya na sumali sa isang chat group para umano maibsan ang kanyang "low energy," "lungkot," at "self pity."

Anim na araw na ang nakakalipas ng tila may paghahanda na sa kanyang paglisan si Manay sa kanyang Instagram post.

Aniya "everyday I wake up talagang parang miracle na sa akin.. I am very thankful pero admitted ko na medyo pagod na ako. I have so many things to be thankful for, parang para sa akin tama na ang journey ko sa buhay."

Una at palagian niyang pinasasalamatan si dating Senador Bong Revilla at pamilya nito na palagian aniyang tumulong sa kanya at naging tunay na kaibigan. May wish pa nga siyang mag-concentrate muna sa showbiz si Revilla ngayong pahinga ito sa politika.

Ilang beses rin niyang pinupuri ang liderato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at nuo'y pinasalamatan ang naging tulong sa kanyang pagpapagamot ni Usec. Honey Rose Mercado ng Office of the President.

Puno rin ang kanyang Instagram posts ng mga personal na kuwento sa mga kilalang artista at personalities sa politika.

Agad na nagpaabot ng pakikiramay ang anak ni Bong na si Cavite 1st District Rep. Jolo Revilla sa pagpanaw ni Manay.

"Rest in Peace Nanay Lolit Solis. Salamat sa lahat ng pagmamahal at pagsuporta mo sa aming buong pamilya lalo na kay papa. Salamat sa pag-aalaga mo sa akin noong ikaw ay tumayo bilang aking manager noong ako ay artista pa. Lubos po kami[ng] nag dadalamhati sa iyong pagkawala. We will miss you nanay, mahal na mahal ka namin," ayon kay Jolo.

Nagpost na rin ng kanilang pamamaalam kay Manay ang ibang miembro ng showbiz industry, kabilang ang tinagurian nuong 'Child Wonder,' aktor na si Niño Muhlach "Paalam Nanay Lolit Solis."

Nagsimula si Manay Lolit bilang police-beat o crime reporter nuong 1970s bago pumasok sa pagsusulat sa showbiz.

Nakilala siya sa pag-co-host sa 'Star Talk' at naging makulay ang buhay dahil sa mga naging 'alagang' talents sa industria ng pelikula at telebisyon.

Paalam, Manay.


Photo Source: Jolo Revilla FB, Lolit Solis IG

Back to Blog

© The Filipino Correspondent Network 2025. All Rights Reserved.