
“Masaya Pero May Kaba”---Pamilya Ng Mga Biktima Ng Duterte War On Drugs Sa Gagawing Confirmation Of Charges Sa ICC
THE HAGUE, Netherlands—Kabado pa rin ang mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng pag-anunsiyo ng International Criminal Court (ICC) na matutuloy na ang confirmation of charges hearing sa kasong crimes against humanity.
Matatandaan na naantala ang pagdinig noong Setyembre 23, 2025 dahil sa binigyang-daan muna ng international tribunal ang hiling ng depensa na tingnan ang kalusugan ni Duterte kung siya ba ay “fit to stand trial”. Ang confirmation of charges, na naka-sechedule sa Pebrero 23, 24, 25 at 27 ay bahagi ng proseso kung saan susuriin ng pre-trial chamber ng ICC kung may matibay at sapat (substantial) na ebidensiya laban kay Duterte. Pagkatapos nito ay maaaring matuloy na ang paglilitis, ihinto ito o ipagpaliban muna.
Sa isang webinar na inorganisa ng Bayan-Europe, Rise-Up, Duterte Panagutin Europe at Migrante-Europe at ng mga grupong sumusuporta sa mga biktima ng war on drugs at kanilang pamilya, pinahayag ng tatlong nanay at isang asawa ng mga mga biktima na magkahalo ang kanilang nararamdaman sa ngayon.
“Nararamdaman po namin sa lahat ng mga katulad namin na napaslangan po ng mahal sa buhay, hindi man po ganun kadali ang hinahanap naming hustisya at least po ngayon po parang gumiginhawa na po ng kaunti ang pakiramdam namin,” ayon sa isang ina na namatayan ng 17-anyos na anak. Aniya, nais lang ng anak niya na maging DOTA player.
Umakyat aniya ang anak sa Baguio para dumayo sa isang online gaming tournament bago ito mapaslang noong Agosto 2018. Habang pababa sa Maynila, huminto ang kanilang sinasakyan sa Pozorrubio, Pangasinan. Naglakad-lakad aniya ang kaniyang anak kasama ang isang kaibigan. Ang isang kaibigan nila ay nagpaiwan umano sa isang waiting shed. Matapos aniya ang ilang araw ay nag-alala na sila kaya nagpa-flash alarm sila para malaman kung nasaan ang anak.
“Nakatanggap po kami ng sulat galing sa Pozorrubio, Pangasinan na iyong anak ko ay napaslang… Sa dami po ng paratang na hindi ko po alam kung saan nila nakuha iyong ganun po na kaso ng anak ko… Pinuntahan ko po ang Pozorrubio, Pangasinan. Sa police station, doon ko po nakita ang aking anak na wala nang buhay, Nakakapanglumo kasi iyong bata hindi niyo po maasahan na ganoon ang madadatnan niya na sitwasyon sa ganun kamurang edad,” ayon sa ina ng isang biktima na hanggang ngayon ay hindi matanggap ang mga paratang sa anak.
Dobleng sakit naman ang nararamdaman ng isa pang ina. Napaslang ang dalawa niyong anak, edad 31 at 34 anyos noong Mayo 2017.
“Malungkot, mahirap at napakahaba ng laban… Masalimuot. Ito na ang (resulta) ng aming mga paghihirap. Kasi ito na, ito na yung oras or ito na yung panahon para mapanagot si Duterte dahil sobrang tagal na kami naghintay. May mga naghintay na 10 taon na, may naghintay ng siyam taon at ako naman ay 8 taon…Ito ay isang hudyat ng paglaban at umpisa para litisin si Duterte. Kaya kami mga pamilya ay umaasa. Matagal na kami naghintay,” ayon sa isang nanay na nagpaabot din ng pangamba.
“Sobrang kaming masaya, excited. Pero sa kabila nun meron pa rin kaming kaba dahil napaka-powerful pa rin talaga ni Duterte at ng kanyang mga supporters. Ito pa rin tayo sa trial at para mapanagot si Duterte. At hindi lang si Duterte kundi lahat ng kasangkot sa kanyang tokhang o war on drugs,” dagdag nito.
Sa kuwento ng nanay, hinimok niya ang dalawang anak na sumurender sa barangay para malinis ang kanilang pangalan dahil matagal na umano silang huminto sa pag-do-droga bago pa man naging presidente si Duterte simula 2016. Nagtatrabaho na ang mga anak at may mga pamilya na ang mga ito.
“Hindi ko inakala na yung pag-surrender nila sa barangay ay mitsa ng kanilang kamatayan. Hindi rin sila naligtas sa sinasabing watch list ng barangay na estratehiya lang para paslangin ang mga gumagamit, ang mga nagbibenta.. Sa katunayan halos karamihan sa mga napaslang ay mahihirap lamang,” pahayag niyo sa webinar.
Para naman sa isa pang ina nawalan din na anak, emosyunal ito sa balitang may petsa na para sa confirmation of charges.
“Masaya kami sa nangyayari ngayon na sa wakas matuloy na ang confirmation of charges ni Duterte kahit ang tagal-tagal na nilang dinelay-delay... at nasa kasagsagan pa ng kanilang career na VP, congressman, vice mayor, kung ano-ano pa ang mga Duterte…kaya natatakot din kami sa aming kaligtasan. ...Ito ang pinakamahirap sa amin kaya dapat siguro panagutin ang dapat managot, panagutin ang pinaka-responsable sa krimen ng pamamaslang,” aniya.
Ang anak nito ay 26 anyos ng mapaslang. Nagtapos umano ng computer science ang anak ay nagtatrabaho noon. Buy-bust operation umano ang dahilan ng mga pulis na nakapatay.
“Yan po ang pinakamasakit sa buhay namin na hindi namin sukat akalain na mangyayari sa kanya. Akala namin tuloy-tuloy ang pag-unlad ng kanyang buhay dahil siya kaka-umpisa pa lang sa kanyang mga hangarin, mga ambisyon niya sa buhay…Talagang hindi po namin matanggap na ganoon ang mangyayari sa kanya dahil ang akala namin kami ang mga magulang niya ang mauunang ilibing, yan pala kaming mga magulang niya ang siyang maglilibing sa anak,” ayon sa inang nagdadalamhati.
Para naman sa asawa ng isang biktima, ang confirmation of charges ay sagot sa kanilang paghihirap ng maraming taon. Aniya, dahil sa pagsasalita nila sa midya, sa publiko, ininda nila ang mga pananakot, pangungutya at masasamang salita.
“Kaya ito po sa wakas dumating na yung inaasahan namin, yung inaasam-asam namin. Masaya po kami pero sa kabilang banda may panganib pa rin kami nararamdaman, may takot, may panghihina dahil alam po namin yung political influence ng mga Duterte, tapos yung panlilibak ng mga supporters niya,” ayon sa maybahay ng isang pinaslang.
Dahil dito, inihahanda na nila ang kanilang mga sarili sa kung ano man ang ipukol sa kanila. Ayon sa mga pamilya ng biktima, gusto maging normal ang buhay subalit ang katarungan ay kailangan makamit. Hindi nila ito madaling makuha sa Pilipinas kaya sa ICC sila umaasa.
"Iyong isip namin, iyong katawan namin… Iyon ang inihahanda namin sa tuwing may mga nangyayari sa pag-usad na ginagawa ng ICC. Inihahanda namin iyong damdamin namin dahil siyempre po paulit-ulit ang aming kwento, paulit-ulit na binabalikan namin yung pinakamadilim na parte ng buhay namin at naaalala namin kung gaano kahirap ang pinagdaanan namin mula noon hanggang ngayon. Hanggang ngayon po na ito na, nandoon nga po siya sa kulungan, ganoon pa rin iyong nararamdaman namin, ganoon pa rin yong sinasabi ng supporters niya. Pero kahit po ganoon ang itinatapon nila sa amin na mga negatibong salita, hindi po namin iniinda yun…Para po sa mga pamilya ng biktima, ang nais lang naman po talaga namin yung totoong hustisya na hindi binigay sa amin dito, na ipinagkait sa amin sa sarili namin bansa,” pahayag nito na may halong pangamba."
Ayon sa mga grupong tumutulong sa mga pamilya ng mga biktima ng war against drugs, nag-oorganisa sila ng rally at pagkilos sa buong linggo ng confirmation of charges sa The Hague. Hindi pa malinaw kung may mga pamilya na personal na pupunta.

