
Mga Pilipino sa Italy, Nagdadalamhati sa Pagpanaw ng Santo Papa
Nagpahayag ng matinding dalamhati ang mga Pilipino sa Milan sa pagpanaw ni Pope Francis, na itinuturing nilang huwaran ng kababaang-loob, malasakit, at pananampalataya.
Nagbalik-tanaw din si Jay Retuta, isang debotong Pilipino sa Milan sa personal niyang karanasan noong makita niya si Pope Francis sa pastoral visit nito sa Milan noong 2017.
“Nag-flashback yung memory ko noong nakita ko si Pope Francis in person noong pumunta siya dito sa Milano for a pastoral visit noong 2017. I remember yung smiling face niya. He was so meek and gentle, pero at the same time ang lakas ng impact niya. Ramdam mo talaga yung holiness. Maingay ang paligid dahil sobrang daming tao noon pero tumatak sa isip ko yung gaze niya, na alam mong gaze ng isang banal na tao,” kwento ni Retuta.
Dagdag pa ni Retuta mananatili sa kanyang alaala ang masigasig na pagsusumikap ni Pope Francis para sa pagkakaisa ng pananampalataya.
“I will always remember him for his ecumenical efforts. Yung nag-strive talaga siya to have interfaith dialogs with other religions, atheists and even LGBT Community. His message was clear: God is for all people,”sabi ni Retuta.
Para kay Merly Lalican, hindi inaasahan ang biglaang balita ng pagpanaw ni Pope Francis.
“Parang hindi mo aakalain, kasi noong Linggo lang ay nagbigay pa siya ng Easter blessing. Siguro hinintay niya talagang matapos ang Pasko ng Pagkabuhay bago mamaalam,” sabi ni Lalican.
Ikinuwento rin ni Lalican ang pambihirang biyayang makita ang Santo Papa noong bumisita ito sa Milan.
“Napakalaking pagpapala ang makita ang kanyang maamong mukha. Ang kanyang presensiya ay talagang tumatagos sa puso,” ani Lalican.
Ibinahagi naman ni Father Jayson Gonzales ang kanyang personal na karanasan noong 2021, habang siya ay nag-aaral pa sa Roma, nang makausap niya nang personal si Pope Francis.
“Napakasaya ko nang makita siya nang malapitan. Ang lambing ng kanyang biro, ang kababaang-loob niya. Talagang pastol ng Diyos na marunong makinig at magmahal,” sabi Father Gonzales.
Kahit na nakabalik na siya sa Pilipinas, mananatili sa kanyang alaala ang mga sandaling iyon kasama ang Santo Papa. Ayon pa kay Father Gonzales, hindi lang ang presensya ni Pope Francis ang nagbigay ng kagalakan sa kanya, kundi pati na rin ang malasakit na ipinakita nito, isang tunay na tagapaglingkod ng Diyos na laging handang makinig at magbigay ng pagmamahal sa lahat.
Mga Paring Pinoy sa Turin, Italy, Ginunita ang Pagbisita ni Pope sa Tacloban at Luneta
Nagpahayag ng saloobin ang nakadestinong Pilipinong pari sa St. Charles Borromeo, isa sa mga matatandang simbahan sa syudad sa pagpanaw ni Pope Francis.
Sa panayam ng TFCN, sinabi ni Fr. Adonis Bongo, tubong Tacloban, Leyte, na hindi nya makakalimutan ang pagbisita ni Pope Francis sa Tacloban noong Enero 2015 kung saan nasalanta ang syudad ng Typhoon Yolanda noong 2013.
“Nalulungkot kami dito sa simbahan ng San Carlo Borromeo Parish, mga Order of Servants of Mary. Nalulungkot at naiiyak kami,dahil ang Pope na minamahal nating mga Pilipino na nagmamahal din sa tin, ay andun na sa ating Panginoon, Kasama ang ating mahal na Ama. Kaming mga pari dito na imigrante sa Italy, ay sasama sa Vatican para magluksa at samahan ang ating Santo Papa sa kanyang funeral. We pray to God. We pray for his soul,” saad niya.
Sa panayam naman ng TFCN kay Father Charles Manlagit ng Filipino Chaplaincy of Turin, sinabi nyang inabangan nya ang pagdaan ng Popemobile sa Luneta kahit umuulan para makita noon si Pope Francis. Ikinagalak nya nang nagkatinginan sila ni Pope sa pagdaan ng Popemobile kahit ilang metro pa ang layo nito.
“Many times the Pope was going to the grey areas ng pamumuhay Kristiyano. Kasi totoo nga naman, di natin mahuhugahan ang tao. We always give the benefit of the doubt that the person is good and trying his best to be faithful to the Lord. Kaya lang dumarating ang moments ng pagsubok sa buhay. Mahirap mabuhay ng alinsunod at tama,” sabi niya.
“He left really a program for the successor to continue the program of presenting God as compassionate, merciful and forgiving,” sabi ni kay Fr. Manlangit.
Mga Pinoy sa Turin, nalungkot sa pagpanaw ng Santo Papa.
Mga Pinoy sa Turin Nagdadalamhati sa Pagpapanaw ni Pope Francis
Marami ang nag-alay ng dasal at misa sa mga simbahan sa Turin kay Pope Francis sa araw ng pagkamatay dito noong Lunes umaga, Abril 21.
Ilan na dito ang mga Pilipinong dumayo sa Duomo di Torino nang malaman ang pagpanaw ni Pope Francis.
“Nandito po kami sa Duomo di Torino, nag-aabot ng pakikiramay kay Papa Francesco. Kami po ay nalulungkot sa pagkamatay dahil kelan lang ay sumilip pa s’ya at nakita pa namin syang nagmisa,” sabi ni Josyline Veneracion, OFW.
“Kaya andito kami sa harap ng duomo para makiramay sa kanyang pagpanaw at sanay maipagdasal din nya tayong lahat na magkaroon tayo ng pagkakasundo at pagkakaisa,” sabi ni Mariqueta Cabotaje, Retired OFW.
Binisita ni Pope Francis ang Turin noong Hunyo 2015 at nagsagawa ng misa sa Duomo di Torino, kasabay ng pagbubukas sa publiko ng Shroud of Turin kaya maraming Pinoy dito ang naging malapit sa kanya.
Photo Credit Vener Cabrera (in Popemobile)
Photo: Vatican News (Pope lying in state)