
Mga Pinoy bumida sa Asian Pop Culture Festival sa Paris
PARIS, France — Naging tagumpay ang unang edition ng Asian Pop Culture Festival na ginanap sa Paris Montreuil Expo noong May 30 at May 31, 2026, kung saan 14 Asian countries ang nakilahok kasama na ang Pilipinas sa ilalim ng Viva Filipinas at Halabira Association. Muli ipinakita ng mga Pinoy ang galing sa larangan ng pagkain, pagkanta, at pagsasayaw sa unang pinakamalaking Asian Festival dito sa Paris, kung saan nagningning at naging maugong ang pangalan ng Team Philippines sa iba't ibang kategorya.
Sa unang araw ng festival noong May 30, natunghayan sa street dance parade ang mga kaaya-ayang traditional costume at galaw ng bawat bansa tulad ng Cambodia, China, India, Indonesia, Japan, Malaysia, Taiwan, Vietnam, South Korea, at Philippines. Angat ang Team Philippines sa street dance performances nila na mas pinalutang ng makukulay na iba't ibang traditional at cultural costume ng Pilipinas.
Panalo rin ang Team Philippines sa traditional dance competition kung saan nakilahok din ang Cambodia, India, Indonesia, Vietnam, at Japan. Sa kanilang performance, ipinakita nila ang mga sayaw sa tatlong isla ng Pilipinas: Luzon – Lantern festival, Visayas – Sinulog, at Mindanao – Singkil. Masaya ang mga bumubuo ng Team Philippines kasama ang Halabira Association at Viva Filipinas.
Sa mahigit na 75 booths sa loob ng venue, iba't ibang masasarap na Asian cuisine ang mapagpipilian, mga inumin, prutas, traditional na damit, at iba pang bagay na sumisimbolo ng kanilang bansa. Ang Team Philippines ay may 10 na booth kung saan mabibili ang halo-halo, street food tulad ng barbecue, kwek-kwek, at isaw. Hindi rin mawawala ang lumpia at mga traditional food tulad ng adobo with a twist at iba pa. Proud exhibitors naman ang mga Pinoy vendors ng pagkaing Pinoy. “To be honest po hindi kami nakatulog sa sobrang excitement na makasama kami representing the Phils. sa 14 countries in Asia at malaking opportunity na maishowcase ang Pinoy food natin,” ani Maricar Vinculado ng Lakbay Lasa team. Rice adobo naman ang ipinagmalaki ni Lyn Garcia ng Adobo Plaisir, “Meron po kaming secret ingredient para mas masarap yung aming rice adobo.”

Sa ikalawang araw ng festival noong May 31, 2026, nanguna muli sa competition ang Team Philippines sa kategoryang Cooking Challenge at Karaoke Challenge. Sa Cooking Challenge, tampok ang tatlong kusinerong Pinoy mula Team Philippines, sina Jen Sunga na gumawa ng nem papaya, Josie na gumawa ng sapin-sapin, at Giovanni Bunda na gumawa ng pancit palabok, laban sa tatlong kusinerong pambato ng Vietnam. Wagi ang Pancit Palabok ni Giovanni ng first prize habang ang dalawang kusinero mula Vietnam ang nakakuha ng second at third prize. “Masaya ako at first time kong sumali sa ganitong competition. Ang nakapagpasarap sa palabok ko ay yung pinaka sauce nya na mula sa broth ng shrimp,” ani Giovanni.
Samantala, hinakot lahat ng Pinoy singers ang mga major prizes sa Karaoke Challenge mula sa 10 candidates. Nakuha ng Pinay singer na si Jessie Lyn Flores, na kumanta ng Power of Love, ang First prize; si Heart Dulay na kumanta ng Bukas Na Lang Kita Mamahalin ang nag-uwi ng Second Prize; at si Chezka Nicole Sampang na kumanta ng isang French song ang nakakuha ng third prize.

Hindi man nanalo ang Team Philippines sa Cosplay competition, naging mainit pa rin ang suporta ng mga Pinoy sa mga iba't ibang Filipino characters na natunghayan tulad nina Darna, Super Inday, Super Inggo, Captain Barbel, Valentina, at Zuma.
Ayon sa President ng Asian Pop Culture na si Christopher Husson, lubos siyang nagpapasalamat sa mga iba't ibang Asian countries na nakilahok partikular ang Team Philippines at sa mga Pinoy na sumuporta sa unang edition ng festival. “I’m very happy with the participation of the Philippine Team. they have so much talents in them and I’m truly grateful with the help and support of our Filipino partners.”

