MODA 2026: Filipino Fashion sa Jeddah -Binigyan bagong kahulugan ng 6 Pinoy designers

MODA 2026: Filipino Fashion sa Jeddah -Binigyan bagong kahulugan ng 6 Pinoy designers

August 28, 20265 min read

JEDDAH, Saudi Arabia — Isang gabi ng sining, kultura, at makabagong pananaw sa moda ang matagumpay na naipamalas kamakailan sa MODA 2026 Fashion Show, kung saan anim na mahuhusay na Filipino fashion designers ang nagtanghal ng kani-kanilang natatanging koleksiyon na sumasalamin sa pagkamalikhain, pagkakakilanlan at husay ng mga Pilipino sa larangan ng fashion.

Mas pinatingkad ng MODA 2026 Fashion Showcase ang lawak ng talento ng mga Filipino designers sa pamamagitan ng iba-ibang koleksiyong sabay-sabay na ipinakita sa runway. Ipinamalas nina Betty at Bebsang kanilang eleganteng koleksiyon ng evening gowns at formal wear, na nagbigay ng klasikong karangyaan at modernong sopistikasyon sa entablado. Ang kanilang mga disenyo ay sumasalamin sa kahusayan ng Pinoy sa paggawa ng de-kalidad at world-class na pormal na kasuotan.

Samantala, sina Rej,Shakira, at Amang Hari ay nagpakita ng mas matapang at malikhaing direksyon sa kanilang mga koleksiyon na binubuo ng upscale, avant-garde, at contemporary pieces. Ang kanilang mga disenyo ay naglaro sa konsepto ng sining at fashion, kung saan ang bawat piraso ay naging pahayag ng eksperimento, identidad, at modernong pananaw sa moda.

Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng estilo at tema, iisa ang naging layunin ng lahat ng designers: ang pagyabong ng talentong Pinoy at ang pagpapakita na ang Pilipinas ay may kakayahang lumikha ng world-class fashion na may puso, kultura, at pagkakakilanlan.

Sa halip na nakatuon lamang sa disenyo ng kasuotan, ang runway ay naging entablado ng mga kuwento ng buhay, pagtanggap sa sarili, at pagkakaisa ng komunidad. Sa pamamagitan ng iba-ibang koleksiyon mula sa mga Filipino designers, ipinakita na ang fashion ay maaaring maging makapangyarihang plataporma para sa representasyon, inklusibidad, at pagyabong ng talento ng Pinoy.

Isa sa mga pinakatampok na presentasyon ng gabi ay ang koleksiyon niSherwin Zuñiga Jeddah na pinamagatang "Beyond Measure: Modern Filipino Fashion. Timeless Identities." Isang makapangyarihang fashion statement na naglalayong baguhin ang nakagawiang pananaw sa kagandahan at moda.

Sa pamamagitan ng kanyang koleksiyon, ipinakita ni Zuñiga na ang fashion ay hindi lamang para sa iisang sukat, hugis ng katawan, edad, o kasarian. Sa halip, ito ay para sa lahat—isang pagdiriwang ng pagkakaiba-iba, pagtanggap, at pagmamalaki sa pagiging Pilipino.

"Because true elegance is not measured by size; it is measured by confidence, culture, and character."

Ito ang mensaheng naging sentro ng buong presentasyon.

Fashion Beyond Standards

Sa loob ng maraming taon, ang industriya ng fashion ay madalas na nakatali sa mahigpit na pamantayan ng kagandahan. Sa pamamagitan ng "Beyond Measure," hinamon ni Zuñiga ang mga lumang pananaw na ito.

Sa runway ay makikitang magkakasamang naglakad ang mga bata, kabataan, nakatatanda, community leaders, professionals, miyembro ng LGBTQIA+ community, at mga ordinaryong indibidwal na may iba-ibang hugis ng katawan, taas, timbang, at personal na kuwento. Ang bawat modelo ay naging representasyon ng mensahe na ang kagandahan ay hindi nakikita sa numero ng damit, kundi sa kumpiyansa at pagkataong dala ng bawat isa.

GINTONG PAMANA: Isang Pagpupugay sa Kulturang Pilipino

Binuksan ng Gintong Pamana ang presentasyon sa pamamagitan ng mga eleganteng disenyo ng Barong Tagalog at Filipiniana sa kulay ginto at krema. Tampok sa segment na ito ang mga bata, kabataan, at mga balingkinitang modelo. Ang koleksiyon ay nagsilbing simbolo ng pagpapatuloy ng kulturang Pilipino mula sa isang henerasyon patungo sa susunod. Pinatingkad ng mga kristal na detalye at klasikong silweta ang karangyaan ng bawat kasuotan habang ipinapakita ang walang kupas na kagandahan ng ating pamana.

BERDENG BAGONG HIBLA: Ang Bagong Mukha ng Filipino Fashion

Isa sa mga pinalakpakan na bahagi ng palabas ang Berdeng Bagong Hibla, isang koleksiyong nagbigay-pugay sa pagkakaiba-iba ng mga Pilipino. Dito ay magkakasamang rumampa ang mga modelong may iba-ibang hugis ng katawan, taas, timbang, at edad. Tampok din ang mga taong madalas na hindi nabibigyan ng pagkakataon sa tradisyunal na fashion runway, mga indibidwal na tinuturing ng ilan bilang "pangkaraniwang tao" ngunit may pambihirang kumpiyansa at inspirasyong dala.

Sa pamamagitan ng makukulay na berdeng modernong Barong at kontemporaryong Filipiniana designs, ipinakita ng koleksiyon na walang iisang pamantayan ang kagandahan. Ang matingkad na berdeng kulay ay sumisimbolo ng paglago, pagbabago, at mga bagong posibilidad para sa isang mas inklusibong industriya ng moda.

LIWANAG NG KARANGALAN: Pagbibigay-Pugay sa mga Inspirasyon ng Komunidad

Nagtapos ang presentasyon sa Liwanag ng Karangalan, isang koleksiyon ng puti at gintong Barong at Filipiniana na sumasalamin sa kadalisayan, tagumpay, at serbisyo.

Tampok sa runway ang mga community leaders, volunteers, entrepreneurs, professionals, at mga personalidad na nagbigay ng makabuluhang ambag sa kanilang komunidad. Ang mga modelong ito ay nagmula sa iba't ibang pinagmulan, edad, karanasan, at antas ng buhay. Kasama rin sa koleksiyong ito ang mga senior participants at mga miyembro ng LGBTQIA+ community na nagpatunay na ang dignidad, liderato, at inspirasyon ay hindi nasusukat sa edad o pisikal na anyo.

Habang naglalakad sa runway suot ang mga eleganteng puti at gintong disenyo, naging buhay silang representasyon ng pag-asa, pagkakaisa, at tagumpay ng sambayanang Pilipino.

Higit pa sa Isang Fashion Show

Para kay Zuñiga, ang "Beyond Measure" ay higit pa sa isang koleksiyon ng mga kasuotan. Isa itong kilusan na naglalayong ipakita na may lugar ang bawat isa sa mundo ng fashion at sa lipunan.

Sa harap ng mga manonood, ipinakita ng MODA 2026 na ang kagandahan ay hindi limitado sa isang sukat, edad, o imahe. Ito ay matatagpuan sa mga kuwento, karanasan, at kumpiyansang dala ng bawat tao.

Sa pagtatapos ng gabi, isang malinaw na mensahe ang iniwan ng "Beyond Measure" sa lahat ng dumalo:

Ang fashion ay para sa lahat.

Hindi ito nasusukat sa laki ng katawan, edad, o kasarian.

Ito ay nasusukat sa kultura, karakter, kumpiyansa, at tapang na ipakita kung sino ka.

Culture. Confidence. Community. Filipino. Iyan ang Jeddah Moda 2026.

Photos by: Isagani Mendoza Jr.

The Filipino Correspondent Network

The Filipino Correspondent Network

From Europe to the Middle East, the US to Asia Pacific and beyond —our seasoned correspondents bring you the latest in community, national, and global news

Instagram logo icon
Youtube logo icon
Back to Blog

© The Filipino Correspondent Network 2026. All Rights Reserved.