Mga Pinoy nagpasalamat, nakiisa sa pagdiriwang ng 96th Saudi National Day

Mga Pinoy nagpasalamat, nakiisa sa pagdiriwang ng 96th Saudi National Day

September 27, 2026•3 min read

Cover image: Gladys Ann Ragat and Lui Lee Bastareche

RIYADH, Saudi Arabia — Nakiisa ang Filipino community sa buong Kingdom sa pagdiriwang ng ika-96 na Saudi National Day noong September 23, isang okasyong naging bahagi na rin ng buhay ng maraming Pilipinong matagal nang naninirahan at nagtatrabaho sa Saudi Arabia.

Sa iba-ibang bahagi ng Kingdom, kapansin-pansin ang mga Saudi flags, green-themed displays, fireworks at iba pang cultural at community activities na dinaluhan ng mga residente at citizens.

Para sa karamihan ng mga Overseas Filipino Workers, ang Saudi Arabia ay hindi na lamang lugar ng trabaho kundi itinuturing na rin nilang “second home” —kung saan maraming OFWs ang nagtagal ng maraming taon, bumuo ng karera at naging bahagi ng komunidad.

Isa sa kanila si Louis Lee Bastareche, na 20 taon nang naninirahan sa Saudi Arabia at nagtatrabaho sa Events and Hospitality Management.

“Saudi Arabia — tinuturing ko itong aking pangalawang tahanan sa loob ng dalawang dekada. Dito ako lumago, natuto, at naging tunay na masaya sa aking pananatili rito. Binigyan nito ako ng pagkakataong magtrabaho para sa aking kinabukasan at para sa mga mahal ko sa buhay,” pahayag ni Bastareche.

Aniya, ang kanyang paraan ng pagpapasalamat sa bansang naging tahanan niya ay sa pamamagitan ng respeto, pagtanggap at pagmamahal.

“Paano ko siya pasasalamatan? Sa pamamagitan ng pagrespeto, pagtanggap, at pagmamahal. Dadalhin ko ang lahat ng magagandang alaala at pagpapalang natanggap ko dito sa aking puso habangbuhay. Salamat, Saudi Arabia — salamat sa pagtanggap sa akin,” dagdag ni Bastareche.

Samantala, para kay Gladys Ann Ragat, isang Medical Charge Nurse na 13 taon nang nagtatrabaho sa Saudi Arabia, ang Kingdom ay naging tahanan ng maraming OFWs na may dalang pangarap.

“Salamat sa bansang Saudi Arabia na tumayong pangalawang tahanan ng bawat OFW na may bitbit na pangarap. Salamat dahil sa bawat sakripisyo ay may mithiin na natutupad. Salamat sa mga oportunidad, sa bawat hamon ng buhay na may natututunan, at higit sa lahat salamat sa pagkilos ng Diyos na nagiging kalakasan at sandigan. Maraming maraming salamat, mahal naming Saudi Arabia — bansang inakalang hindi mararating pero tinupad ang dasal ng maraming Pilipinong OFW,” sabi ni Ragat.

Nagpatuloy ang mga National Day festivities sa kabila ng mga nagdaang security incidents, kabilang ang mga pag-atake na iniugnay sa Houthi militants. Ayon sa Department of Migrant Workers, walang Pilipino na nasaktan sa Riyadh kasunod ng mga drone at ballistic missile attacks bago ang National Day.

Sa mismong National Day, nagpatuloy ang mga opisyal na programa at public celebrations sa iba-ibang bahagi ng Kingdom, kabilang ang parades, cultural activities, air shows at fireworks.

Bago ang National Day, sinabi ni King Salman bin Abdulaziz Al Saud na hangad niya ang patuloy na pag-unlad at tagumpay ng Saudi Arabia. Kinilala rin niya ang mahalagang papel ng military at security personnel sa pagprotekta sa bansa at sa mga mamamayan at residente nito.

Para sa Filipino community, ang pagdiriwang ay pagkakataon ding ipakita ang respeto at pasasalamat sa bansang naging tahanan ng maraming Pilipino—mula sa hospitality workers hanggang sa healthcare professionals—na patuloy na nagtatrabaho habang tinutupad ang kanilang mga pangarap para sa kanilang sarili at mga pamilya.

Sa ika-96 na National Day ng Saudi Arabia, isang mensahe ang namamayani sa hanay ng maraming Pilipino: “Salamat, Saudi Arabia!”

The Filipino Correspondent Network

The Filipino Correspondent Network

From Europe to the Middle East, the US to Asia Pacific and beyond —our seasoned correspondents bring you the latest in community, national, and global news

Instagram logo icon
Youtube logo icon
Back to Blog

© The Filipino Correspondent Network 2026. All Rights Reserved.