TFCN EXCLUSIVE: Dating Driver Ni Zaldy Co Sa Paris Nagsalita Tungkol Sa Dating Kongresista

TFCN EXCLUSIVE: Dating Driver Ni Zaldy Co Sa Paris Nagsalita Tungkol Sa Dating Kongresista

December 05, 20254 min read

Cover image: Toto Sarabia, dating driver sa Paris ni Zaldy Co./ Toto Sarabia Google Photos

PARIS, France—Sa eksklusibong panayam ng The Filipino Correspondent Network (TFCN), umamin ang dating driver ni Zaldy Co sa Paris na huli siyang nagserbisyo sa dating kongresista noong Hulyo, bago pumutok ang iskadalo sa insertions sa 2025 budget at diumano’y kurapsyon sa flood control projects.

Sabi naman ng Pinay na dating ring nagserbisyo sa pamilya Co sa Paris, magarbong buhay ang nakita niya sa panahon ng pagtatrabaho sa dating kongresista.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, aapela ang Pilipinas sa Portugal para maibalik sa bansa si Co na doon umano nagtatago gamit ang kanyang Portuguese passport.

jonvic

Matatandaang nitong 1 December 2025, nanawagan din si Remulla sa mga Pinoy abroad na kuhanan ng larawan si Co para malaman nila kung saan lugar siya tutugisin..

“Nakikiusap kami sa lahat ng mga Pilipino sa buong mundo na kung makita nila si Zaldy Co, kung puwede nilang picturan at ipost kaagad sa internet para may idea tayo kung nasaan siya,” sabi ni Remulla.

Lumabas naman si Toto Sarabia at umaming naging driver siya ni Co sa France simula 2023. Pero hindi umano siya naging tsuper sa Portugal. Huli raw silang nagkita noon pang July ng taong ito.

“Malaking kasinungalingan yan. May record po ako sa Uber na at Waze kasi nagtatrabho ako doon. Kinuha ko na rin ang gps tracker ng aking sasakyan… Never po akong lumabas sa France. Yung passport ko open naman po… pwede ko ipakita.”

Bagamat isa raw siya sa mga regular na driver ni Co, hindi pa niya ito nasundo sa airport at hindi rin umano niya alam kung totoong may sariling private plane si Co na naibalitang nasa Le Bourget.

“Wala po akong natatandaan na sumundo ako sa kanila sa Le Bourget.”

Ngayong nadadawit ang pangalan niya kay Co, mangiyak-ngiyak na nilinaw ni Sarabia na lahat ng naipundar niya ay galing sa pagsisikap nilang pamilya sa 30 taon sa Paris.

“Yung sasabihin na galing kay Co ang tindahan… hindi nila alam kung gaano kasipag si Ate Yeyeng mo… yung di nakakakilala sa akin at asawa ko… masipag yun. Hindi nga yan nagda-day off.”

totototo minimart

Toto Sarabia sa kanilang mini-mart sa Paris/Screengrabs from Toto Sarabia Google Photos

Sa report naman na nakalap ng TFCN sa Paris nitong Setyembre, sinabi ni alias “Joyce”, dating nagtrabaho sa pamilya Co, na alam ng ilang Pinoy sa Paris na pag-aari ni Zaldy Co ang bahay na ito sa 31 Avenue Montaigne noong 2022 pa.

Nasaksihan din umano niya ang dating kongesista at pamilya nito sa magarbong buhay sa Paris na nagpasara pa umano ng Burberry shop para sa private party ng anak noong 2023.

“Naging sakim siya sa kaba ng bayan… Nandito silang buong pamilya at kinuha nila ang bulgari hotel… Ako ang nag-service sa kanila noong pumunta sila sa Switzerland at kumuha ng tatlong Mercedez Benz… Tapos bumili siya ng Mercedez Benz at ang namamahala ‘pag wala siya, isang Filipino driver."

alias joyce

Si alias "Joyce" sa eksklusibong panayam ni TFCN Paris Bong Agustinez noong Sept. 2025.

Sabi ni alias “Joyce”, madalas private plane ang gamit noon ni Co.

“Sa renewal of vows nila ni Mylene Co, nag-private plane sila from Paris to Rome. Then may naghatid ng mga gamit nila at doon, nag hire sila ng 20 Mercedez with driver. “

Sabi naman ng dating driver ni Co na si Toto Sarabia, wala siyang alam sa pag-aari ng sinipang kongresista. Sinusundo lang daw niya sa nasabing address sa Avenue Montaigne si Co.

paris residence

Ang sinasabing Paris residence ng pamilya ni Zaldy Co/ Bong Agustinez, TFCN Paris

“Itong huling biyahe po, dito lang sila sa Pransya… Nagpupunta sila sa London, nagte-train lang naman sila papunta dun. Tapos tatawag susundin sa train station. “

Pakiusap naman ni Toto, huwag idamay ang kanyang pamilya sa negosyo ng kanyang pagseserbisyong driver ni Co.

Sabi naman ni alias “Joyce”, maraming dapat ipaliwag si Co at kailangang harapin niya ang imbestigasyon sa pilipinas..

“Tayo nagpapakamatay tayo dito sa trabaho. Sila nagpapakasasa sa kaban ng bayan natin.”

Wala na raw ngayon kahit ang anino ni Co sa Paris, at wala rin umanong alam ang dating driver sa maaring lugar na kinaroroonan nito sa Paris man o sa Europa.

Back to Blog

© The Filipino Correspondent Network 2025. All Rights Reserved.