OFW sa Pro-Duterte rally sa Qatar, balik- Pinas na – DMW

OFW sa Pro-Duterte rally sa Qatar, balik- Pinas na – DMW

April 25, 20251 min read

 MANILA, PH — Sumailalim sa voluntary repatriation ang isa sa 17 Overseas Filipino Workers (OFWs) na naaresto dahil sa ilegal na pro-Duterte rally sa Qatar, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

 

Sa isang pahayag nitong Lunes, April 21,  sinabi ni DMW Sec. Hans Leo Cacdac na ang OFW ay isang ina, 36-taong gulang at may dalawang anak.

 

Tanging siya lang sa 17 OFWs ang nawalan ng trabaho dahil nagdesisyon ang kanyang employer na i-terminate ang kanyang employment contract bunsod ng kanyang pagkakaaresto.

Siya ay nagsimulang magtrabaho sa Qatar noong 2019 pa at nauna riya'y naging domestic worker siya sa Kuwait mula 2016.

 

Ayon kay Cacdac, humingi ng tulong ang OFW para sa dagdag na kasanayan ngayong siya ay balik-bansa na.

 

“We shall provide training, reemployment, and livelihood assistance as she is interested in the field of culinary arts, and accounting as well,” ayon sa kalihim.

 

Nakatanggap ang OFW ng tulong-pinansyal, training scholarship sa TESDA at pagkakataong mapagkalooban ng livelihood program.

Dumating sya sa bansa bandang 4:00 pm nitong Linggo ng Pagkabuhay sa NAIA Terminal 1, at sinalubong ng mga anak na edad 12 at 16 kasama ang iba pang miyembro ng pamilya.


Photo Source: Department of Migrant Workers

Back to Blog

© The Filipino Correspondent Network 2025. All Rights Reserved.