
Pangasinense Association Sa Belgium, Ipinagdiwang Ang Ika-19 Na Anibersaryo
BRUSSELS — Nagtipon-tipon sa Brussels, Belgium ang mga miyembro ng Pangasinense Association in Belgium upang ipagdiwang ang kanilang ika-19 na anibersaryo.
Isang makulay na pagdiriwang ang naganap kung saan ipinamalas ng grupo ang kanilang pagmamahal sa kultura sa pamamagitan ng pagsusuot ng tradisyonal na kasuotan Pilipino.



Ayon sa presidente ng asosasyon na si Joy Amper, patuloy pa rin ang kanilang layunin na magsilbing tulay ng pag-asa at pagtulong sa kanilang mga kababayan sa Pilipinas, lalo na sa lalawigan ng Pangasinan. Ito ay bilang pagpapatuloy sa nasimulang gawain ng kanilang founder na pumanaw ilang taon na ang nakalilipas.

"Bukod sa street light, water pump, at mga silid-aralan, marami pa kaming proyekto para sa Pangasinan," pagbabahagi ni Amper. Tiniyak ng grupo na hindi matitigil ang kanilang mga inisyatibo na naglalayong makapagbigay ng serbisyo at suporta sa kanilang probinsya sa kabila ng kanilang kalayuan.