
Presyo Ng Kandila At Bulaklak Ngayong Undas 2025
MANILA, Philippines—Ilang araw na lang, Undas na o Todos Los Santos. Bukod sa mga pag-aalay ng misa o mga panalangin para sa pag-alaala sa ating mga mahal na yumao, paglilinis ng mga puntod at mga ibabaon pagbisita sa sementeryo, siyempre hindi nawawala ang mga dadalhing kandila at bulaklak.
Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng halos lahat ng bilihin sa Pilipinas(as of September 2025, nasa 1.7% ang inflation rate, bahagyang tumaas sa 1.5% noong August), tiyak damay ang presyo ng mga kandila at bulaklak.
Pero, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), stable ang presyo ng mga kandila ngayong panahon ng Undas dahil sapat naman ang supply nito. Karamihan umano sa mga seller ay hindi nagtaas ng kanilang presyo. Gayunpaman, may minimal increase sa ilang house brands nang hanggang 3.93% kumpara noong Undas 2024.
Sa ngayon, patuloy ang monitoring ng DTI sa presyo at supply ng kandila para masigurong walang mananamantala ngayong mataas ang demand para rito.
Depende sa dami, laki at brand ng kandila, pumapalo ang mga presyo mula ₱10 hanggang
₱100. Ang mga specialized candle, mas mataas.
Samantala, iba naman ang sitwasyon sa mga bulaklak dahil bago pa mag-November 1, mas mataas na ang presyo nito kumpara noong nakaraang taon. Peak demand at supply pressures mula sa mga growers ang sanhi nito.
Kung noong 2024, ang mga white Anthuriums sa Dangwa ay nagkakahalaga ng ₱400, ngayon ₱700 na ito kada isang dosena. Ang local Anthuriums naman na dati ay ₱400 kada 5 dosena, ngayon naglalaro ito sa ₱650-₱700. Factor na rin umano sa pagtaas ng presyo ang general inflation ngayong 2025.
Inaasahan ng DTI na mas magmamahal pa ang presyo ng mga bulaklak habang papalapit ang November 1. Kaya mas maigi ang makabili na habang maaga pa.
Para sa maraming Pinoy, tradisyon na ang pagdadala ng bulaklak at pagtitirik ng mga kandila sa puntod ng mga mahal na yumao tuwing Undas. At kahit pa lampas sa budget, gagawa at gagawa ng paraan huwag lang mawala ang mga ito pagbisita sa sementeryo. Ang mahalaga, may bitbit ding panalangin para sa kanilang "eternal rest."
(For comments and suggestions, e-mail TFCN at [email protected].)

