Prof. Cielo Tatakbo sa Senado

Prof. Cielo Magno Tatakbo sa Senado

October 16, 2026•3 min read

Photo: Prof. Cielo sa The Hague noong Oct. 6, 2026 (J.Tesorio)

THE HAGUE — Kakandidato bilang senador sa 2028 si University of the Philippines economics professor Cielo Magno o mas kilala sa social media bilang Prof. Cielo.

Sa kanyang Facebook post, sinabi niya: “nasubukan niyo na po ang nepo baby, dynasty, artista, trapo at corrupt. May bagong option na po kayo.” Tinuldukan niya ang post ng happy face.

Ang post ay isang panawagan din sa mga botanteng Pilipino na pumili ng alternatibo.

Ang Pilipinas ay matagal nang kontrolado ng mga political dynasties, kung saan maraming halal na posisyon ang dominado ng mga miyembro ng maimpluwensyang pamilya, na naglilimita sa kumpetisyon sa politika at pagpasok ng mga bagong lider.

Ayon sa datos, mahigit 80 porsyento ng mga mga lokal at nasyunal na posisyon ay okupado ng mga galing sa political dynasties. Nagdudulot ito ng patronage politics, mahinang accountability mechanism at matinding kurapsiyon, ayon sa mga pag-aaral.

Sa isang forum sa Dutch-Filipino noong Oktubre 6, 2026, nagpahayag na si Magno ng kanyang kahandaang tumakbo sa senado. Aniya, kapag nag-file siya ng candidacy ay otomatik na resigned na siya sa UP.

Nasa Europa si Magno kamakailan kasama si Ronald Llamas, political adviser sa panahon ni dating pangulong Noynoy Aquino, para sa isang serye ng mga meeting sa mga overseas Filipinos para i-update sila sa sa sitwasyon ng bansa.

Isinabay nila ang mga meeting sa mga OFs sa pagtangap ni Magno ng EITI (Extractive Industries Transparency Initiative) Chair Awards sa Belgium noong Oktubre 8, 2026. Ang parangal ay pagkilala sa mahalagang kontribusyon ng mga mga Pilipinong nagtataguyod ng transparency, accountability, at good governance sa extractive sectors gaya ng pagmimina.

Tax ng Ina Mo

Si Magno ay naging popular sa mga millennial at kabataan dahil sa kanyang malinaw, diretso ngunit simpleng paliwanag sa mga isyung nakakaapekto sa Pilipinas ngayon. Bukod sa kanyang podcast at social media, paborito rin siyang resource ng media para ipaliwanag ang mga isyung pang-ekonomiya mula sa kahirapan hanggang sa mga epekto ng digmaan at pagtaas ng presyo ng gasolina.

Nakilala rin si Prof. Cielo, na dating miyembro rin ng UP Concert Chorus, sa rap na "Tax ng Ina Mo!" Hinihimok protest rap na subaybayan ng mga Pilipino kung paano ginagastos ang kanilang buwis at papanagutin ang mga pulitiko sa kurapsyon, pag-aaksaya, at pang-aabuso sa pondo ng publiko.

Bilang academic at involvement nito sa good governance initiatives, ginawaran siya ng The Outstanding Women in the Nation’s Service (TOWNS) noong 2025 sa larangan ng Financial Accountability at Good Governance.

Nagtapos si Magno ng Bachelor of Science in Business Economics at Master of Arts sa Economics sa UP Diliman. Mayroon din siyang PhD in Law and Public Policy sa Northeastern University sa Boston, Massachusetts.

Hindi lang si Magno ang unang academic at professional na sumubok sa senado. Noong 2025 ay tumakbo ang accountant, auditor, anti-corruption advocate na si Heidi Mendoza. Ang UP economics professor na Winnie Monsod ay tumakbo rin noong 2001 at di pinalad na manalo. Sa panahon ng social media, marami ang nagtatanong kung mag-iiba ang boto para kay Prof. Cielo.

The Filipino Correspondent Network

The Filipino Correspondent Network

From Europe to the Middle East, the US to Asia Pacific and beyond —our seasoned correspondents bring you the latest in community, national, and global news

Instagram logo icon
Youtube logo icon
Back to Blog

© The Filipino Correspondent Network 2026. All Rights Reserved.