Riyadh Air nagbukas na ng direktang biyahe Riyadh-Manila

Riyadh Air nagbukas na ng direktang biyahe Riyadh-Manila

September 12, 20262 min read

Cover image: Philippine Embassy- Riyadh

RIYADH, Saudi Arabia — May panibagong opsyon na ngayon ang halos isang milyong Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Saudi Arabia para sa kanilang pag-uwi sa Pilipinas matapos ilunsad ng Riyadh Air ang direktang biyahe mula Riyadh patungong Manila.

Isinagawa noong Setyembre 8, 2026ang inaugural send-off ceremony ng Riyadh Air Flight RX873 sa Terminal 2 ng King Khalid International Airport sa Riyadh. Matagumpay namang lumapag noong Setyembre 9, 2026 sa Ninoy Aquino International Airport sa Maynila ang kauna-unahang Riyadh Air flight mula sa Riyadh.

Dumalo sa seremonya si Philippine Ambassador to Saudi Arabia Raymond Balatbat, na nagsabing mahalagang hakbang ang bagong ruta sa patuloy na lumalalim na ugnayan ng Pilipinas at Saudi Arabia.

Ayon kay Balatbat, direktang makikinabang dito ang Filipino community dahil mas lumalawak ang kanilang pagpipilian para sa ligtas, maaasahan, at komportableng paglalakbay.

Kasama ng ambassador sa seremonya sina Third Secretary at Vice Consul Aldrick Joseph Timbol, Riyadh Air Vice President for Project Management Tony Chisnall, Riyadh Air Director of Sales Vikas Manra, at Riyadh Airports Company Chief Commercial Officer Abdulaziz Al-Asaker.

Bagong tulay para sa mga Pilipino

Ang Riyadh Air ang ikaapat na airline na may direktang flight mula Saudi Arabia patungong Pilipinas, na higit pang nagpapalakas sa air connectivity ng dalawang bansa.

Para sa mga OFW sa Saudi Arabia, nangangahulugan ito ng panibagong pagpipilian para sa pag-uwi sa Pilipinas, lalo na para sa mga nagnanais makasama ang kanilang mga pamilya, magbakasyon o makauwi matapos ang matagal na panahon ng pagtatrabaho sa ibang bansa.

Para sa maraming OFW, ang direktang biyahe na itoay isa ring mahalagang koneksyon patungo sa kanilang mga mahal sa buhay na naghihintay sa Pilipinas.

Bagong Boeing 787-9 Dreamliner dumating sa Maynila

Noong Setyembre 9, unang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport ang Riyadh Air mula Riyadh, sakay ang isang bagong-bagong Boeing 787-9 Dreamliner na may registration number HZ-RXAG.

Ang eroplano ay na-deliver lamang noong Hulyo 2026 at sinalubong sa NAIA ng tradisyunal na water cannon salute sa pagdating nito sa assigned bay.

Kapansin-pansin din ang natatanging purple livery ng Riyadh Air, na unang nagpakilala ng bagong kulay nito sa himpapawid ng Pilipinas.

Apat na biyahe kada linggo, magiging araw-araw sa Oktubre

Sa unang yugto ng operasyon, magsasagawa ang Riyadh Air ng apat na flight kada linggo sa pagitan ng Riyadh at Manila.

Pagsapit naman ng Oktubre 2026, inaasahang magiging araw-araw ang serbisyo ng airline sa rutang ito.

Sa patuloy na paglago ng ugnayan ng Pilipinas at Saudi Arabia, ang bagong direktang ruta ay inaasahang makatutulong hindi lamang sa turismo at paglalakbay kundi maging sa patuloy na pagpapatibay ng people-to-people ties ng dalawang bansa.

Para sa libu-libong Pilipino sa Saudi Arabia, ang pagdating ng Riyadh Air ay higit pa sa isang bagong airline.

Ito ay isa na namang tulay na naglalapit sa mga OFW sa kanilang mga pamilya at sa kanilang tahanan sa Pilipinas.

The Filipino Correspondent Network

The Filipino Correspondent Network

From Europe to the Middle East, the US to Asia Pacific and beyond —our seasoned correspondents bring you the latest in community, national, and global news

Instagram logo icon
Youtube logo icon
Back to Blog

© The Filipino Correspondent Network 2026. All Rights Reserved.