Fête de la Musique

Selebrasyon ng Fête de la Musique sa Paris

June 24, 20262 min read

PARIS, France — Nag-uumapaw ang talento at diskarte ng mga Pinoy matapos muling magsama-sama ang mga lokal na musikero sa taunang selebrasyon ng Fête de la Musique nitong Linggo, Hunyo 21, 2026, sa iba't ibang panig ng lungsod ng Paris.

Sa kabila ng matinding heatwave na sumabay sa pormal na pag-uumpisa ng summer season sa Europa—kung saan pumalo sa 40°C ang temperatura—hindi ito naging hadlang para dagsain ng mga Pilipino ang mga itinalagang venue upang magbigay-suporta at makiisa sa kasiyahan.

Dagsa ng mga Suportang Pinoy sa Porte Maillot

Naging sentro ng hiyawan at kantahan ang Place de la Porte Maillot kung saan nagtanghal ang ilang mga bagong mukha sa industriya. Kabilang sa mga nagpakitang-gilas ang mga newbies na sina Jell, 16 anyos, at Cassy, 18 anyos, na kapwa emosyonal at masaya sa kanilang unang karanasan sa prestihiyosong pagtitipon.

"I can say that it’s one of my memorable experiences and super exciting po siya. Nakakastress, oo, pero 'pag nasa stage na po, just have fun and all," masayang pahayag ni Jell matapos ang kanyang pagtatanghal.

Sinegundahan naman ito ni Cassy na nagpahayag ng kanyang pagnanais na maulit ang naturang karanasan.

"It’s my first time din po. 'Yung feeling after mong magperform sa maraming tao, sobrang sarap po, satisfying. And for me, ito 'yung gusto ko at uulit-ulitin ko po."

Kantahan at Sayawan sa Café côté Rive at Place du Manille

Hindi rin nagpahuli ang kasiyahan sa Café côté Rive, kung saan naging pambato ang bandang Damonkalz na nagpa-indayog sa mga manonood sa pamamagitan ng kanilang mga tugtugan.

Agaw-eksena rin ang batang si Laura na nakisali sa jamming ng kanyang pamilya. Ayon kay Laura, masaya siya dahil kasama niya ang kanyang mama at papa na kumanta sa harap ng publiko.

Samantala, naging tambayan naman ng iba pang mga banda at Pinoy music lovers ang Place du Manille Restaurant, na nagsilbi ring isa sa mga opisyal na entablado ng gabi para magbigay-aliw at magpalaganap ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng musika.

Ang Fête de la Musique ay isang pandaigdigang pagdiriwang ng musika na taun-taon ay ginaganap tuwing Hunyo 21, kung saan malayang nakapagtatanghal ang mga musikero sa mga pampublikong espasyo.

Back to Blog

© The Filipino Correspondent Network 2026. All Rights Reserved.