
Shining Liwanag On Your Rights: “Anak sa Labas”
Dear Atty. Liwanag,
Thank you po, Attorney, in advance sa pagbasa ng sulat ko. Meron lang po sana akong gustong idulog tungkol sa tatay ko na pumanaw na.
Nalalapit na po kasi ang piyesta ng mga patay, at ang aming ama ay nakalibing sa isang private memorial cemetery sa aming bayan sa Pangasinan. Ako po at ang dalawa kong kapatid ay mga anak sa labas ng aming ama. I was already 16 years old when we found out na kami pala ang “kabit family.” Namatay po siya apat na taon na ang nakakaraan, at mula noon ay ipinagbawal po kaming dumalaw sa kanyang puntod. Pumanaw na rin si Mama dalawang taon na ang nakalipas, at ni minsan ay hindi siya nakadalaw.
Ang tanong ko po, may karapatan ba kaming mga anak sa labas na bumisita sa puntod ng aming ama, kahit ipinagbabawal ng kanyang legal na pamilya?
Sincerely,
Anak sa Labas
****************************************************************
Dear Anak sa Labas,
Oh dear, mukhang nasobrahan naman si legal wife sa interpretasyon ng “anak sa labas” kung hanggang labas lang talaga kayo ng sementeryo.
But kidding aside, ipinaaabot ko ang aking pakikiramay sa pagpanaw ng iyong ama at ina. Ang ganitong sitwasyon ay hindi na bago — maraming pamilyang Pilipino ang dumaraan sa ganitong emosyonal na usapin, lalo na tuwing Undas.
Ngayon, diretso tayo sa tanong mo. Kung hahanapin mo sa Civil Code o Family Code ang “karapatan ng anak na dumalaw sa puntod ng magulang,” wala kang makikitang specific na probisyon. Pero hindi mo kailangan ng batas para sabihing may karapatan kang magbigay-galang sa iyong ama. Ang usapin dito ay hindi tungkol sa mana o apelyido — ito ay tungkol sa karapatan sa alaala at dangal.
Kung usapang mana nga, malinaw ang batas: bilang illegitimate children, kayo ay tinuturing na compulsory heirs or isa sa mga itinalagang tagapagmana ng batas. Ibig sabihin, may karapatan kayong magmana sa inyong ama — kahit kalahati lang ng parte ng legitimate child. Kung kinikilala ng batas ang karapatan ninyong magmana ng bahay at lupa, lalong hindi kayo dapat pagbawalan sa maliit na bahagi ng lupa — ang puntod.
Tandaan, ang mga memorial parks ay may sariling patakaran. Ngunit kung ang lote ay nakapangalan sa inyong ama o sa kanyang estate, at kayo ay mga compulsory heirs, walang legal na basehan para pagbawalan kayong dumalaw. Higit sa lahat, wala ring batas sa Pilipinas na nagbabawal sa sinumang anak — legitimate man o hindi — na magbigay-pugay sa yumao nilang magulang. Ang pagbisita sa puntod ay hindi isyu ng legal status, kundi ng pagmamahal at moral na karapatan.
Narito ang ilang praktikal na hakbang na maaaring gawin:
• Makipag-ugnayan sa memorial park management. Linawin na anak ka ng yumao at magpakita ng birth certificate o dokumento bilang patunay.
• Kung harangin, huwag makipagtalo. Tawagin ang barangay o pulis kung kinakailangan. Madalas, umaatras din ang mga nangha-harang kapag nakita ang determinasyon mo.
• Kung gusto mo ng katahimikan, maaari ring bumisita sa ibang araw para maiwasan ang alitan.
Sa huli, walang sinuman — hindi legal wife, hindi legitimate child — ang may karapatang ipagbawal ang isang anak na magpahayag ng paggalang at pagmamahal sa kanyang magulang. Ang karapatang iyon ay hindi kailangan ng batas para kilalanin — sapat na na ito’y nakaugat sa ating pagkatao.
And that, my friends, is the law. Boom. I’m out.
Warmly,
Atty. Liwanag
(This column is for general educational discussion only and does not constitute legal advice. Each case depends on specific facts and evidence. Please consult a lawyer for proper legal guidance.)
For comments and suggestions, e-mail TFCN at [email protected].

Meet Atty. Erick Liwanag (yup, Liwanag talaga — kasi laging may liwanag sa mga legal dilemmas mo!). Siya ‘yung tulay between confusion and clarity. Forget the boring law books and nosebleed terms — si Atty. Liwanag explains the law in plain, real-world language na maiintidihan ng kahit sino. Hindi man siya superhero (‘di daw pumasa sa Bar ang kanyang kapa 😀), he’s got something better — sharp wit, solid legal know-how, at ‘yung chill na energy ng taong gusto lang magbahagi ng liwanag sa batas, na walang sakit sa ulo.💡⚖️

