
SHINING LIWANAG ON YOUR RIGHTS | “May Pera sa Party, Wala sa Nanay: Pwede Bang Pilitin ang Manugang na Magsuporta?”
Letter of the Week: “Obligasyon ng Manugang”
Dear Atty.,
Salamat po Atty sa kolum nyo dito sa TFC, inaabangan ko po lahat ng article nyo.
Tawagin niyo na lang po akong Anne, taga-Mandaluyong. Mayroon akong hinaing laban sa asawa ng kapatid ko na si “Tessa” na nagtatrabaho sa Hong Kong.
Araw-araw nakikita ko sa Facebook na laging nasa party, kumakain sa mamahaling restaurant, at may bagong gamit. Pero kahit singkong duling, hindi siya nagpapadala
para sa maintenance na gamot at pagkain ng nanay namin (na biyenan niya). Kami rito ang naghihirap mag-budget habang siya ay post nang post ng kanyang luxurious life.
Pwede ba namin siyang pilitin o idemanda para magbigay ng suporta sa nanay namin, biyanan naman nya yon?
Lubos na gumagalang,
Anne ng Mandaluyong
******************************
REPLY
Dear Anne,
Oh dear.
Diretsahin na kita: walang legal na obligasyon ang manugang na suportahan ang
biyenan.
Sa ilalim ng Family Code, ang obligasyon magbigay ng support ay umiiral sa pagitan ng magulang at anak, at magkakapatid—hindi kasama ang “in-laws” (biyanan o manugang). Ibig sabihin, kahit gaano pa ka-affluent ang lifestyle ni Tessa sa Facebook, hindi ninyo siya pwedeng pilitin o idemanda para sustentuhan ang nanay ninyo base lang sa pagiging manugang niya.
Medyo masakit pakinggan, lalo na kung nakikita ninyo ang contrast—kayo nagtitipid para sa gamot, siya naka-steak at wine. Pero sa mata ng batas, hindi iyon basehan ng legal liability.
Ngayon, sino ang may obligasyon?
Ang kapatid mo—ang asawa ni Tessa. Siya ang anak ng nanay ninyo, at siya ang may pangunahing tungkulin na magbigay ng support sa abot ng kanyang makakaya.
Kung may kakayahan siya pero hindi siya tumutulong, doon pwedeng pumasok ang legal demand for support.
Paano kung si Tessa ang kumikita at ang kapatid mo ay nakaasa lang? Kahit ganon, ang obligation ay nananatili sa kapatid mo. Pero sa loob ng marriage nila, ang kita ni Tessa ay bahagi ng marital resources—kaya indirectly, doon din dapat kumukuha ng suporta ang kapatid mo para sa nanay ninyo.
Practical steps:
– Ka usapin ninyo ang kapatid mo, hindi si Tessa, tungkol sa responsibility niya.
– Kung talagang tumatanggi at may kakayahan naman, pwedeng mag-demand (sa kapatid mo) formally for support.
– Kung senior citizen ang nanay ninyo, may additional protections siya sa ilalim ng batas, pero muli—ang obligasyon ay nasa anak, hindi sa manugang.
Anne, me punto ka naman at valid ang frustration mo. Nakakainit ng ulo makita ang “highlight reel” ng iba habang kayo ang sumasalo sa totoong gastos. Pero tandaan: hindi lahat ng nakakainis ay may katumbas na kaso.
Ang tamang laban ay hindi kay Tessa—kundi sa kapatid mo na may malinaw na obligasyon sa inyong ina.
Sa madaling sabi: Ang post sa Facebook, walang legal weight. Ang pagiging anak—meron.
At ‘yan ang liwanag nga batas.
Lubos na gumagalang,
Atty. Erick Liwanag
(Ang kolum na ito ay para sa pangkalahatang impormasyon lamang at hindi kapalit ng payong legal. Para sa partikular na sitwasyon, kumunsulta sa angkop na abogado sa inyong hurisdiksyon.)
For comments and suggestions, e-mail TFCN at [email protected].

Meet Atty. Erick Liwanag (yup, Liwanag talaga — kasi laging may liwanag sa mga legal dilemmas mo!). Siya ‘yung tulay between confusion and clarity. Forget the boring law books and nosebleed terms — si Atty. Liwanag explains the law in plain, real-world language na maiintidihan ng kahit sino. Hindi man siya superhero (‘di daw pumasa sa Bar ang kanyang kapa 😀), he’s got something better — sharp wit, solid legal know-how, at ‘yung chill na energy ng taong gusto lang magbahagi ng liwanag sa batas, na walang sakit sa ulo.💡⚖️

