
SHINING LIWANAG ON YOUR RIGHTS | “Walang Will, Walang Winner: Kapag Mana ang Naging Mitsa ng Away- Pamilya”
Letter of the Week: “Mana sa Tiyahing Walang Asawa”
Dear Atty.,
Tawagin niyo na lang po akong Heidi. Halos buong buhay ko ay dito na kami sa Barcelona kasama ang asawa at dalawa kong anak. Noong buhay pa ang tiyahin naming si “Linda,” sa bahay nya kami nakatira dito sa Barcelona. Spinster siya at walang anak, at siya ang tumulong sa amin at sa buong pamilya.
Dalawang taon na ang nakalipas nang pumanaw siya. Kami ang nag-alaga sa kanya hanggang huli. Pero mula noon, naging “war zone” ang pamilya. Ang isa kong tiyahin at mga pinsan sa Pilipinas ay sinasabing inangkin na raw namin ang lahat ng ari-arian.
Wala siyang iniwang Will, kaya naman lahat ng iniwan nya dito mga ari-arian sa Barcelona – pera, alahas, etc.. ay sa amin na kasi kami naman nag-alaga noong nagkasakit siya hanggang mamatay. May karapatan ba kaming solohin ang property dahil kami ang nag-alaga?
Salamat po.
Heidi ng Barcelona
******************************
REPLY
Dear Heidi,
Oh dear. Ito ang harsh truth sa suliranin mo: ang mana ay hindi premyo o bayad sa nag-alaga. Ito ay karapatan ayon sa batas.
Kahit gaano pa kalaki ang sakripisyo ninyo kay Tiya Linda, kung wala siyang iniwang Will, papasok ang intestate succession—ibig sabihin, ang batas ang magdidikta kung sino ang magmamana.
Kung wala siyang asawa at anak, ang susunod sa linya ay ang kanyang mga kapatid. Kung may kapatid na pumanaw na, papasok ang kanilang mga anak (mga pamangkin) bilang kapalit. Ibig sabihin, hindi lang kayo ang may karapatan—kasama ang iba pang kapamilya na nasa parehong linya.
Kaya ang sagot sa tanong mo: hindi ninyo pwedeng solohin ang ari-arian base lang sa pag-aalaga.
Ngayon, may konting nuance.
Kung may mga ari-arian na naipasa sa inyo habang buhay pa siya—through donation, co-ownership, o malinaw na transfer—at may dokumento iyon, ibang usapan iyon. Sa inyo na iyon.
Pero kung lahat ay nasa pangalan pa rin ni Tiya Linda noong siya ay pumanaw, kailangan itong dumaan sa formal settlement of estate—either magkasundo kayo (extrajudicial) o dumaan sa korte kung may alitan.
Tungkol naman sa pag-aalaga ninyo. Maaari ninyo itong i-raise bilang reimbursement ng expenses kung kayo ang gumastos sa kanyang medical care at pangangailangan, basta may patunay. Pero ulitin ko—iba iyon sa “mana.” Hindi ito automatic na dagdag share.
Heidi, ang nangyayari sa inyo ay textbook example ng isang katotohanan na kapag walang will, ang pamilya ang nagiging mistulang battlefield.
Ang practical move ngayon ay hindi makipagtaasan ng boses, kundi ilagay sa proseso:
– Ilista ang lahat ng ari-arian
– Tukuyin ang lahat ng legal heirs
– Ayusin ang hatian sa maayos na paraan, at sana hindi na kailangang humantong pa sa korte ang usapan.
Dahil sa dulo, hindi kayo mag-aaway kung malinaw ang papel—kundi dahil wala.
Inuulit ko, sa mana, hindi sapat ang “kami ang nag-alaga.” Ang mas may bigat sa batas ay: “sino ang may karapatan.
At ito ang liwanag hindi lang sa batas.
Lubos na gumagalang,
Atty. Erick Liwanag
(Ang kolum na ito ay para sa pangkalahatang impormasyon lamang at hindi kapalit ng payong legal. Para sa partikular na sitwasyon, kumunsulta sa angkop na abogado sa inyong hurisdiksyon.)
For comments and suggestions, e-mail TFCN at [email protected].

Meet Atty. Erick Liwanag (yup, Liwanag talaga — kasi laging may liwanag sa mga legal dilemmas mo!). Siya ‘yung tulay between confusion and clarity. Forget the boring law books and nosebleed terms — si Atty. Liwanag explains the law in plain, real-world language na maiintidihan ng kahit sino. Hindi man siya superhero (‘di daw pumasa sa Bar ang kanyang kapa 😀), he’s got something better — sharp wit, solid legal know-how, at ‘yung chill na energy ng taong gusto lang magbahagi ng liwanag sa batas, na walang sakit sa ulo.💡⚖️

