
Veteran Photojournalist, Pumanaw Sa Gitna Ng Coverage ng Traslacion
MANILA, Philippines—Pumanaw ang veteran photojournalist na si Armelito "Itoh" M. Son, 54-años, habang nasa coverage ng Traslacion ng Poong Nazareno sa Quirino Grandstand dakong alas-tres ng madaling-araw ngayong Biernes, 09 Enero 2026.
Ayon sa mga katrabaho, si Son ay nasa kalagitnaan ng pagkuha ng larawan sa 'Pahalik' nang bigla itong matumba. Agad siyang itinakbo sa pagamutan subalit tuluyan nang nalagutan ng hininga.
Ilang araw na umanong may flu ang photojournalist ngunit nagpatuloy sa pagtupad ng kanyang tungkulin. Si Itoh, o "Mr. Wisely" sa malalapit na katrabaho sa media, ay photographer ng pahayagang Saksi Ngayon.
Ayon sa Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS), pumanaw si Son dahil sa atake sa puso. Anila, ang kanyang hindi matatawarang serbisyo sa larangan ng photojournalism ay magsisilbing inspirasyon sa iba.
"Ang kanyang dedikasyon sa kanyang propesyon sa kabila ng kanyang karamdaman ay patunay ng kanyang pagmamahal sa kanyang trabaho at sa paghahatid ng mga mahalagang kaganapan sa publiko," ayon kay Jose Torres Jr., PTFOMS Executive Director.
Nawa'y magsilbi rin aniya itong paalala sa lahat ng media workers na maging mapagmatyag sa kanilang kalusugan at kaligtasan habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin.
"Sa gitna ng matinding dedikasyon, huwag kalimutan ang kahalagahan ng pag-aalaga sa sarili upang ipagpatuloy ang paglilingkod ng may pag-iingat at malasakit para sa kapwa," ayon kay Torres.
Ayon sa pamilya Itoh, nakatakda ang viewing at visitation sa Sto. Domingo Church sa Sabado, Enero 10.
Para sa mga naulila, si Itoh ay "A photojournalist whose passion captures stories, and whose heart captures lives."

