Wikang Filipino, tulay sa pamilya at kulturang Pilipino ng mga kabataan sa Indonesia

Wikang Filipino, tulay sa pamilya at kulturang Pilipino ng mga kabataan sa Indonesia

November 24, 2026•1 min read

JAKARTA, Indonesia — Nagtapos noong Nobyembre 21 ang unang batch ng mga batang kalahok sa Filipino Language Program for Young Learners 2026 ng Philippine Embassy sa Jakarta.

Sa loob ng walong linggo, pinag-aralan ng mga bata ang pagsasalita, pagbabasa at pagsusulat sa wikang Filipino, kasabay ng pagpapalawak ng kanilang kaalaman sa kultura at tradisyong Pilipino.

Layunin ng programa na mapanatili ang pagkakakilanlang Pilipino ng mga batang lumalaki sa ibang bansa, partikular ang mga may lahing Filipino-Indonesian.

Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng pag-asa si Philippine Ambassador to Indonesia Christopher Montero na mas marami pang kabataan ang mahihikayat na matuto ng wikang Filipino.

“You belong to the first and pioneering batch of graduates of the Filipino program. I hope in the years to come, many more young learners will follow your footsteps,” ani Montero.

Isa sa mga kalahok sa programa ang 5-taong gulang si Enzo Gonzales. Ayon sa kanyang magulang na si Renz Gonzales, mas naging interesado ang bata sa paggamit ng wikang Filipino maging sa kanilang tahanan.

Para naman sa Indonesian na si Novi Setiawan, mahalaga ang pagkatuto ng wikang Filipino upang magkaroon ng mas malapit na ugnayan ang kanyang anak sa mga lolo at lola nito sa Pilipinas.

“Filipino language is very important for our family kasi ang family ng asawa ko mostly cannot speak English so she has to learn their language to connect with the Lola nya, Lolo nya,” ani Setiawan.

Ayon naman sa pangunahing guro ng programa na si Marlon Santiago, mas may kumpiyansa na ngayon ang mga bata na gamitin ang wikang Filipino sa pakikipag-usap sa kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas.

Bahagi ang programa ng cultural diplomacy initiatives ng Philippine Embassy sa Jakarta na naglalayong itaguyod ang wika, kultura at pamanang Pilipino sa mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino sa ibayong-dagat.

The Filipino Correspondent Network

The Filipino Correspondent Network

From Europe to the Middle East, the US to Asia Pacific and beyond —our seasoned correspondents bring you the latest in community, national, and global news

Instagram logo icon
Youtube logo icon
Back to Blog

© The Filipino Correspondent Network 2026. All Rights Reserved.