kean talingdan

EXCLUSIVE: Ina Ng Pilipinong Biktima Sa Sunog Sa Isang Swizterland Bar, Humihingi Ng Tulong Habang Patuloy Ang Paghahanap Sa Anak

January 03, 20263 min read

CRANS-MONTANA, Switzerland—"Kean is not 50% burned...tutto il corpo, tutto il corpo (the whole body, the whole body).

Iyan ang eksklusibong inihayag ni Kristal Talingdan, ina ni Kean Talingdan, ang Pilipinong biktima sa naganap na Swiss bar explosion nitong pagpasok ng bagong taon, kay TFCN Milan senior correspondent Mye Mulingtapang.

Sa naunang ulat ng TFCN, isang kaanak ang nagbigay impormasyon na nang umano’y makatawag si Kean sa kanyang ama nang mangyari ang sunog, nasabi pa nitong 50 percent ng kanyang katawan ang nasunog.

Nasa Switzerland na ngayon si Kristal upang mahanap ang anak at alamin ang totoong kondisyon nito.

Kwento ni Kristal, pinuntahan niya ang Le Constellation bar sa Crans-Montana, ang lugar saan nangyari ang sunog, dahil naiwan daw ni Kean ang cellphone sa loob.

Ngunit, pagdating niya doon, wala na ang cellphone ng anak. Inakala niyang may ibang kumuha nito kaya agad niya in-activate ang Lost Mode ng iPhone gamit ang Find My, ang opisyal na Apple feature para sa mga nawawala o nawawalang device, kung saan maaaring maglagay ng contact number na tatawagan kapag natagpuan ang telepono.

Ayon kay Kristal, marahil napansin ng mga pulis ang proseso at sila ang tumawag—ngunit sa ama ni Kean, na siyang nakalagay bilang emergency contact.

"Di ba pag nawawala ang mga Iphone tapos may ilalagay kang number para tawagan. Siguro nakita ng mga pulis na nagavviamento ako tumawag na sa akin. Ang contact number kasi ni Kean na emergency yung Papa nya so yung Papa nya yung tinawagan which is ngayon sequestered yung kasi kailangan sa investigation," pahayag ni Kristal.

Wala pa ring inilalabas na DNA test result para kay Kean. Ayon kay Kristal, pansamantala lamang ang pagkilala na ginawa batay sa isang personal na detalye—apat na hikaw na kinilala niyang pag-aari ng kanyang anak—ngunit nilinaw ng mga awtoridad na hindi ito itinuturing na kumpirmadong identidad.

Hindi rin naitago ni Kristal na desperado na siya sa ngayon. Ayon sa kanya, may kabagalan at mahigpit ang procedure ng Swiss government pagdating sa pagbibigay ng impormasyon sa mga magulang dahil kailangang tiyak na kumpirmado ang pagkakakilanlan sa mga biktima.

Nakadagdag pa sa pagkabalisa ni Kristal ang paglitaw ng larawan ng anak sa Italian media.

Ayon sa kanya, dalawang beses sa isang araw—alas-10 ng umaga at alas-4 ng hapon—naglalabas ng opisyal na update ang mga awtoridad. Inaasahan niyang sa susunod na mga ulat ay magkakaroon na ng malinaw na impormasyon tungkol sa kalagayan at kinaroroonan ng kanyang anak.

Samantala, ilang kaibigan ni Kean ang patuloy na ginagamot sa mga ospital sa Switzerland matapos magtamo ng malubhang pagkasunog at sumailalim na sa operasyon, kabilang ang ilan na inilipat sa Zurich para sa mas masinsing gamutan.

“Yung dalawa ate inoperahan 70% na sunog ang katawan. Inoperahan sa Zurigo. Yung isa hindi ko matandaan ang pangalan ng ospital dito rin sa Switzerland. Inoperahan din yung isa nilang kaibigan. I’m preparing myself for the worst ate kasi magkakatabi lang sila”, dagdag ni Kristal.

Sa kabila ng matinding pangamba, sinabi ni Kristal na patuloy siyang umaasa at naghahanda sa anumang magiging resulta habang hinihintay ang opisyal na kumpirmasyon mula sa mga awtoridad.

Back to Blog

© The Filipino Correspondent Network 2026. All Rights Reserved.