
EXCLUSIVE: Ina Ni Kean Talingdan Sa Mga Opisyal ng Pilipinas—"Walang gumalaw sa inyo kahit sino. Not even Milan"
Erratum: Itinatama sa updated version ng report na ito ang unang naisulat na personal na tinawagan si Kristel Talingdan ni Italian Prime Minister Giorgia Meloni, sa halip na si Deputy Prime Minister Antonio Tajani.
MILAN, Italy—Labis ang pagkadismaya ni Kristal Talingdan, ang ina ni Kean Kaizer Talingdan, ang Pinoy teen na biktima ng sunog sa Crans- Montana sa Switzerland noong Enero 1, sa umano’y kakulangan ng agarang aksyon at presensya ng Philippine Consulate General sa Milan at Switzerland maging ang Philippine Embassy Sa Berne sa gitna ng kritikal na kalagayan ng kanyang anak na na patuloy na lumalaban para sa kanyang buhay matapos magtamo ng malulubhang paso.
“Wala naman akong hinihingi sa inyong tulong at least yung moral support yung presence ninyo as Philippine Consulate dyan. Walang gumalaw sa inyo kahit sino. Not even Milan. Kasi Milan ang inabisuhan namin syempre I’m from Milan. Not even Milan Consulate tumawag sa akin. Yung a simple call, you know andun ka e. Ako kaya malakas ang loob ko na tumawag sa kanila kasi I thought pupuntahan nila ako. I thought”, pahayag ni Kristal.
Dagdag pa ni Kristal, sa halip na konkretong tulong at personal na pakikiramay, limitado lamang umano sa pormal na komunikasyon ang naging tugon ng ilang Philippine posts, na kanyang ikinabigla at ikinasama ng loob.
“Their only concern is for me to give them a declaration for the DFA. That’s their only concern kaya sila tumawag sa akin last time, na inconfirm ko na Filipino citizen si Kean. Icoconfirm ko sa inyo eh alam ninyong Filipino citizen kaya nga ako tumawag sa inyo eh. That’s the main reason, yun nga ang inaano ko kaya ako tumawag sa inyo for help. Kasi Filipino citizen kami. Anong gusto ninyong iconfirm”, kwento ni Kristal.
Sinubukan ng TFCN na kunin ang panig ng Philippine Consulate General sa Milan. Gayunman, wala itong ibinigay na hiwalay na panayam. Sa halip, naglabas ang konsulado ng isang opisyal na pahayag kaugnay ng naganap na sunog at nagsabing patuloy nilang mino-monitor ang kalagayan ni Kean Talingdan at nakikipag-ugnayan sa pamilya nito—isang pahayag na naiiba sa salaysay ng kanyang ina.
Suporta Mula Sa Italian Government
Sa gitna ng kanyang pagkadismaya, pinuri ni Kristal ang agarang tugon at malasakit na ipinakita ng pamahalaan ng Italya, na ayon sa kanya ay hindi lamang nagbigay ng serbisyong medikal kundi pati moral at psychological support sa kanyang pamilya.
Ani Kristal, malinaw umanong ipinaalam ng gobyerno ng Italya na ituturing si Kean na Italian citizen sa usapin ng pangangalaga at suporta.
“I’m a Filipino citizen, sabi ko paano yung anak ko hindi sasagot ang anak ko na Italiano sya. I-cocover up nyo ba yung anak ko. Ang sabi nila sa akin they assure me nandito kayo sa Italia nakatira dito kayo residente Italiano kayo. That’s what assures me. That’s why hindi na rin talaga ako nag-insist sa Consul. Alam naman nila iisa ang Pinoy.”
Samantala, nilinaw ni Kristal ang naunang report ng TFCN na tinawagan siya sa telepono ni Italian Prime Minister Giorgia Meloni para tiyakin na natatanggap nila ang kinakailangang tulong. Sa halip, pagtatama ni Kristal, ang tumawag sa kanya ay ang Italian Deputy Prime Minister na si Antonio Tajani.
“Ang (deputy) prime minister binigay ang personal number sa amin. Ang (deputy) prime minister tumawag sa amin by 1pm 1.30, kakadecolla (kakalapag) lang ni Kean dito asan na kayo, anong kailangan nyo. Personal na tumawag ang (deputy) prime minister sa akin”, kwento ni Kristal.
Kalagayan Ni Kean
Nanatili umanong kritikal ang kalagayan ni Kean matapos magtamo ng 47 porsiyentong third-degree burns. Naoperahan na siya sa Zurich kung saan nilagyan ng allografts o cadaver skin, isang pansamantalang pamamaraan para sa mga pasyenteng may malulubhang paso.
Gayunman, nananatili pa ring unstable ang kanyang kondisyon matapos magkaroon ng pneumonia, isang seryosong komplikasyon lalo na sa mga pasyenteng may third-degree burns. Sedated at naka-oxygen si Kean habang patuloy na mahigpit na mino-monitor ng mga doktor ang kanyang kondisyon.
Sa kabila ng lahat, iginiit ni Kristal na handa siyang isakripisyo ang lahat para sa anak. Araw-araw umano siyang nasa ospital upang bantayan ang anak.
“Syempre stressed di mo pa maiwasan yung maiiyak ka pa kasi makikita mo yung mga anak mo ganun ah andun kami lahat. Hindi mo madescribe yung nararamdaman ng mga magulang, yung nararamdaman ko. Gusto mong maging malakas, maging positive pero alam mo na, you know bawat minuto na dumadaan very risky sila”, saad ni Kristal.
Legal Action
Samantala, kinumpirma ni Kristal na may planong legal na hakbang kaugnay ng insidente, ngunit hindi pa ito ang pangunahing prayoridad ng pamilya.
“We will surely make a legal action pero right now kasi ang Italian government ang nag-aayos. Kasi it has to be collective. Italian government mismo ang magpupush ng collective na denuncia at risarcimento etc. Kaso hindi pa lang yun ang priority ng mga magulang ngayon. Kasi unang-una ngayon lang nakita yung mga bata”, kwento ni Kristal.

