
EXCLUSIVE: Pinoy Teenager Sa Swiss Bar Tragedy Natagpuan Na; Ligtas At Stable Ang Kondisyon
CRANS-MONTANA, Switzerland—Natagpuan na ang 16-anyos na si Kean Kaizer Talingdan at kasalukuyang nasa University of Zurich Hospital, ilang araw matapos siyang iulat na nawawala kasunod ng deadly na sunog sa Le Constellation bar sa Crans-Montana.
Kinumpirma ito ng kanyang ina na si Kristal Talingdan sa eksklusibong panayam ng TFCN. Ayon kay Kristal, stable ang vital signs ng kanyang anak ngunit hindi pa ito maaaring lapitan habang patuloy na mino-monitor ng mga doktor.
“Na-confirm na po ang identity ni Kean and he is stable, pero hindi pa siya puwedeng malapitan. He is still in Zurich for now, his vitals are stable,” ayon kay Kristal.
Ayon naman sa pahayag ng ama ni Kean na si Yohan Guiot sa Italian newspaper na Il Giorno Milano, bandang alas-4 ng madaling-araw ng Enero 1, tumawag si Kean sa kanya gamit ang cellphone ng isang rescuer.
“Mio figlio mi ha chiamato alle 4 della notte di Capodanno da un telefono non suo. Piangeva. Mi ha detto: ‘Papà, sono vivo ma ho dolore ovunque. Ho paura, venite”. Poi mi ha passato un soccorritore (Tumatawag siya na umiiyak. Sinabi niya, ‘Papa, buhay ako pero masakit ang buong katawan ko. Natatakot ako, puntahan ninyo ako.’ Pagkatapos, ibinigay niya ang telepono sa isang rescuer),” ani Guiot.
Dagdag ng ama, sinabi ng rescuer na malawak ang tinamong paso ni Kean at halos 45 minuto itong inalagaan sa lugar ng insidente bago dinala sa ospital.
Ayon pa kay Guiot, matagal ang naging proseso ng pagkilala sa mga biktima dahil hindi agad makilala ang mga kabataan na nasugatan sa sunog.
"C’è voluto tanto tempo per identificarlo perché nessuno dei ragazzi è riconoscibile, sono ustionati, bendati (Ang mga bata ay sugatan at balot ng benda. Kailangan ng panahon para makilala sila. Tatlong araw na akong hindi makakain at makatulog)," ani niya.
Kwento naman Kristal nakikipag-ugnayan na ang Italian government para sa posibleng paglipat ni Kean sa Italy kapag pinahintulutan na ng medical team.
“Italian government is coordinating everything and he will be transferred by helicopter. They will check Kean again tomorrow morning to monitor all his vitals and parameters. If everything is okay, he will be transferred to Niguarda,” ayon kay Kristal.
Nagpunta si Kean sa Switzerland upang magbakasyon ng ilang araw at nanatili sa bahay ng pamilya ng isang kaibigan. Kasama niya noon ang tatlo pa niyang kaklase. Lahat sila ay nasugatan sa insidente.

Ang harapan ng gusali kung saan nandoon ang Le Constellation Bar na puno na ngayon ng mga bulaklak para sa alaala ng mga nasawi. Photo courtesy: Nikka Rose Lapitan
Sumiklab ang sunog bandang alas-1:30 ng madaling-araw ng Enero 1 habang isinasagawa ang New Year’s Eve celebration sa Le Constellation bar. Hanggang ngayon, hindi pa tiyak ng mga awtoridad kung ilang tao ang nasa loob ng establisimyento nang mangyari ang insidente.
Batay sa opisyal na tala, hindi bababa sa 40 katao ang nasawi at 121 ang nasugatan. Lima sa mga sugatan ay hindi pa rin nakikilala, habang nananatiling mahirap ang pagkilala sa ilan dahil sa tindi ng mga pinsala.
Ayon naman sa press release na inilabas noong Enero 2, 2026 ng Council of State of the Canton of Valais , sa 119 kataong naospital matapos ang malawakang sunog na tumupok sa Le Constellation bar noong New Year’s Eve celebration, 113 na ang pormal na nakilala, habang patuloy pa ang proseso ng pagkilala sa natitirang anim. Ilan sa mga nasugatan ay nananatili pa ring nasa kritikal na kondisyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng sunog habang nagpapatuloy rin ang paglalabas ng opisyal na update kaugnay sa kalagayan ng mga biktima.

