
Pinoy Teen Kean Talingdan Nananatiling Kritikal Sa Ospital Sa Milan
Photo courtesy: sprint_lombardia
MILAN, Italy—Nananatiling nasa kritikal na kondisyon ang Pinoy teenager na si Kean Kaizer Talingdan, isa sa mga biktima ng sunog sa Crans-Montana, matapos siyang ilipat sa Burn Unit ng Niguarda Hospital sa Milan kahapon, 04 Enero, mula Zurich Hospital para sa mas masusing gamutan.
Ayon sa pinakahuling impormasyong medikal mula sa Niguarda Hospital, kabilang si Kean sa mga pasyenteng patuloy na inoobserbahan sa intensive care unit dahil sa tindi ng mga pinsalang tinamo. Nananatili umanong maselan at hindi pa maituturing na ligtas sa panganib si Kean. Kimumpirma ito sa TFCN ni Kristal Talingdan, ina ni Kean, na patuloy na binabantayan ang kalagayan ng anak.
Patuloy ang koordinasyon ng iba’t ibang medical teams upang tugunan ang kanyang kondisyon, kabilang ang pangangalaga sa malalaki at malulubhang paso, suporta sa paghinga, at mahigpit na pagbabantay laban sa posibleng impeksiyon. Ang mga doktor ay nananatiling maingat at hindi pa nagbibigay ng tiyak na prognosis sa ngayon ayon kay Kristal.
Sinabi ng mga medical staff na ang mga susunod na araw ay magiging mahalaga sa pag-monitor ng kanyang kalagayan, lalo na sa pag-iwas sa komplikasyon na maaaring makaapekto sa kanyang paghinga at pangkalahatang kalusugan.
Samantala, patuloy na tinututukan ng mga awtoridad at ng ospital ang kalagayan ng lahat ng pasyenteng nasugatan sa insidente, habang isinasagawa ang kinakailangang gamutan at suporta.
Kanina, 05 Enero, naglabas na rin ng opisyal na kumpirmasyon ang Department of Foreign Affairs sa pagkakasangkot ng Pinoy sa Crans-Montana fire, tatlong araw matapos unang i-break ng TFCN ang ulat base sa naging panayam ng TFCN sa Honorary Consul sa Lugano, Switzerland noong ika-2 ng Enero. Naganap ang sunog, unang araw ng Enero 2026.
Ayon pa sa DFA, hindi ito magbibigay ng mga detalye hinggil sa biktima base na rin sa hiling umano ng pamilya. Gayunman, tila taliwas ito sa patuloy na komunikasyon ng ina ni Kean kay TFCN Milan senior correspondent Mye Mulingtapang, pati na ang naging interview ng ama ni Kean na si Yohan Guiot sa Italian daily na Il Giorno.


