
Pinoy Teen Swiss Fire Victim, Kritikal Ang Kondisyon, Naka–Life Support
MILAN, Italy—Kritikal ang kondisyon ng 16-taong Filipinong biktima ng sunog sa isang bar sa Crans-Montana, Switzerland.
Nagtamo si Kean Kaizer Talingdan ng matinding paso sa kanyang mukha, kaliwang bahagi ng katawan, dibdib, at binti, ayon sa inang si Kristal Talingdan.
Hindi rin siya nakakahinga nang mag-isa at nananatiling buhay sa tulong ng mechanical ventilator.
Sa kabila nito, nakakaramdam ang ina ng kaunting ginhawa at hindi na ang lawak ng mga paso ang kanyang pangunahing iniisip.
“Sa totoo lang, hindi na mahalaga sa akin kung gaano siya kalubha ang pagkakapaso. Ang mahalaga, buhay ang anak ko,” ani Kristal.
Hindi pa inaalis ng mga doktor ang mga benda na inilagay sa kanya noong una siyang gamutin sa Zurich dahil nananatili siyang balot at naka-stabilize.
Sagot ng gobyerno ng Italya ang lahat ng kasalukuyang gastusing medikal at pangangalaga kay Kean.
Dagdag pa ng ina, masyado pang maaga upang matukoy kung paano gagaling si Kean dahil wala pang tiyak na gabay o direksyon sa kanyang gamutan sa ngayon.
Patuloy na minomonitor ng mga doktor ang kanyang kalagayan, lalo na ang posibilidad ng impeksiyon.
Hangga’t hindi siya nagkakaroon ng impeksiyon sa baga, sinabi ng kanyang ina na may pagkakataon si Kean na mabuhay at tuluyang gumaling.
Kasalukuyang nasa Burn Unit ng Niguardia Hospital sa Milan si Kean.
Cover image: Stefano Porta / LaPresse

